Una sa Balita

Sigaw ng Kongreso: Nutriasia iboykot!

By
0 1,495

Pinatatabla ng mga militanteng mambabatas ang pagtangkilik sa mga produkto ng kompanyang NutriAsia Inc. na batbat ng kaso dahil sa pag-abuso sa kanilang mga empleyado.

Apela ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao na kasama sa bumubuo ng Maka­bayan Bloc sa Kamara, dapat lamang aniyang­ tablahin ang mga produkto ng NutriAsia, na pag-aari ng Filipino-Chinese business tycoon na si Joselito Campos.

Hangga’t hindi aniya naaayos ng NutriAsia ang mga paglabag sa empleyado at inayos ang status ng kanilang employment at itigil ang mass lay-off ng contractual ay hindi dapat tinatangkilik ang mga ganitong uri ng kompanya.

Abante Hiring – IT dep

Nabatid na maliban sa mga naunang paglabag na natuklasan ng mga mambabatas na bumubuo ng Makabayan bloc na naging dahilan upang kanilang isulong ang malalimang imbestigasyon sa kompanya ay may ilan pang atraso sa empleyado silang nadiskubre.

Kabilang dito ay ang hindi pagtalima ng Nut­riAsia, Inc. sa Occupational Safety and Health Standards kaya nag-isyu si Regional Office 4A Director Zenaida Angara-Campita ng compliance order kaugnay sa paglabag sa labor standards ng kompanya.

Wala umanong personal protective equipment na ipinagkakaloob sa mga trabahador ang kompanya.

Nadiskubre rin umano ng DOLE ang paglabag ng NutriAsia sa Article 113 ng Labor Code of the Philippines kung saan kinakaltas sa sahod ng mga empleyado ang bayad sa uniporme na nagkakahalaga ng P1,000 bawat isa.

Ang paniningil ng uniporme ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa Labor Advisory No. 11, Series of 2014.

Ang mga paglabag na ito ng kompanya ang dahilan kaya naghain ng House Resolution (HR) No. 1974 ang mga Maka­bayan solon upang imbes­tigahan (in aid of legislation) sa House Committee on Labor and Employment ang diumano’y labor-only contracting, union bus­ting, iligal na pagsibak sa 75 empleyado at iba pang paglabag ng NutriAsia sa karapatan ng mga manggagawa.

Binanggit ng Ma­kabayan bloc na sinikap ng mga manggagawa na dumaan sa lahat ng kaukulang proseso para mapakinggan ang kanilang hinaing pero wala umanong nahitang paborableng tugon ang NutriAsia sa halip ay marahas na dispersal ang ginawa ng kapulisan sa Bulacan laban sa mga manggagawa na nagsasagawa ng kilos-protesta noong Hunyo 15.

Hindi rin umano humarap ang management ng NutriAsia sa mga negosasyon na itinakda noong Hunyo 6 at Hunyo 9.

“Workers even repor­ted that instead of ha­ving their injuries checked and cured in the Nutri­Asia clinic, they would be brought to the B-Mirk clinic. Some would even hide their injuries even in passing by guarded gates because of past experiences of co-workers who have been terminated because they asked or were spotted to have injuries. This explains NutriAsia’s zero accident record. The NutriAsia plant does not have nurses, safety officers, or first aid respon­ders.

There is no ambulance in the plant either,” bahagi pa ng resolusyon ng mga Makabayan solon na binubuo nina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Anakpawis Rep. Casilao at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Ang NutriAsia ang gumagawa ng iba’t ibang Pinoy brand na ‘sawsawan’ at ipinangsasahog sa mga ulam gaya ng Datu Puti, Silver Swan, Mang Tomas, UFC, Gol­den Fiesta, Papa, Mafran at Jufran.