Una sa Balita

Sibakan sa Kamara, ‘yabang lang’ – Rep. Lagman

By
0 3

Yabang at ampaw lang!

Ganito inilarawan ni Albay Rep. Edcel Lagman ang banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga miyembro ng supermajority na tatanggalan ng posisyon sa Kamara kung hindi boboto pabor sa pagbabalik ng Death Penalty.

Ayon kay Lagman, ginawa lamang ito ni Alvarez para manakot at magyabang.

“Braggadocio (yabang) lamang ito” ayon kay Lagman.

Bukod kina Batangas Rep. Vilma Santos at Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, mayroon pang sampung mambabatas na kaanib ng supermajority ang bumoto ng “NO” sa 3rd and final reading ng Death Penalty Bill.

Sinabi ni Lagman na may mga mahihinang loob na supermajority congressmen ang nadala sa banta ni Speaker Alvarez, pero sa huli wala namang mangyayaring sibakan.

Samantala, hinamon naman ni Magdalo Rep. Gary Alejano si Alvarez si Speaker Alvarez na tuparin ang kanyang banta at kung hindi ay mababansagan itong ‘walang isang salita’.

“Natural naman na ito sa Duterte Administration na walang isang salita at lahat brasuhan,”patama ni Alejano.

Pero sa ipinarating na reaksyon ni Alvarez, iginiit nito na maaga pa para husgahan ang kanyang magiging aksyon sa mga susunod na araw.