Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Si VP Leni at ang bagong henerasyon ng mga pinuno

0 87

Kasabay ng pagtatapos ng termino ni VP Leni ang pagtatapos rin ng ating mga estudyante, kaya naman kaliwa’t kanan ang natatanggap na imbitasyon ngayon ni VP bilang tagapagsalita sa mga graduation at recognition ceremonies. Pinakahuli sa dinaluhan niya ang sa Pisay (Philippine Science High School). Sa susunod na linggo, uuwi siya ng Naga para naman sa alma mater niyang University of Nueva Caceres. Sa Agosto naman, Ateneo de Manila University. Ilan lamang ito sa mga eskuwelahang pormal nang inanunsyo ang pagiging guest speaker ni VP Leni; sigurado marami pang naghihintay ng kumpirmasyon na makakadalo ang pangalawang pangulo sa kanilang event.

Siyempre bilang isa ring graduate ng Pisay, pinanood ko ang mensahe niya sa mga nagsipagtapos ngayong 2022, ang tinawag niyang “pandemic batch.” Pakiramdam ko, nakahingang malalim ang mga gradweyt pagkatapos kilalanin ni VP Leni ang ibang klaseng hirap na pinagdaanan nila, bilang mga estudyanteng kinailangang baguhin ang buong sistema ng buhay dahil sa pandemya. Damang-dama na proud na proud siya sa mga batang nalagpasan hindi lang ang hirap ng pag-aaral sa Pisay, kundi pati na rin ang hirap ng biglaang distance and blended learning. Sa sinumang sumusubaybay sa trabaho ni VP Leni, hindi na ito nakakagulat; at hindi naman sekretong simula pa lamang, palagi niya nang dinidiin ang bigat ng dalahin ng sistema ng edukasyon natin.

Saktong-sakto ang panawagan ni VP sa mga bata na paghusayin lagi ang sarili, lalo na’t mga iskolar sila ng agham. Napakagandang paalala sa panahong napakadaling magpaka-eksperto, kung saan kahit isang Tiktok o Facebook post lang ay pupuwede ka nang matawag na bihasa. Napakagandang paalala sa panahong napakarami ang may gustong itago, baguhin, o burahin ang mga katotohanang pinaghirapang madiskubre o matamo ng mga nauna sa atin.

Kaya tumatak rin sa akin ang sinabi niya tungkol sa pagtindig para dito – lalo na yung pagkilala sa nararamdaman ng ating kabataan ngayon, na kahit anong paggigiit nila sa tama at totoo ay para bang isinasantabi lang sila ng mga mas nakatatanda sa kanila. Mas umigting ang mensaheng ito dahil sa naging resulta ng huling eleksyon, kung saan natunghayan natin ang personal na pagtataya ng mga bata para sa kanilang kinabukasan. Tagos sa puso ang paalala sa kanila ni VP Leni: na kahit mas madaling makibagay o manahimik na lang, pinakamahalaga pa rin ang patuloy na paglaban para sa makatuwiran. Ani pa ni VP, mahaba ang tradisyon ng Pisay pagdating sa labang ito. Tahanan ang Pisay ng napakaraming mga martir na nanindigan at nagbuwis ng buhay alang-alang sa katarungan at mapagpalayang katotohanan. Kung may oras kayo, panoorin nyo sana ang naging mensahe ni VP Leni.

Ang akin naman: Napakahalaga ng mensahe niyang ito ngayong humihina na ang ating mga institusyon at nahaharap ang ating bansa sa napakaraming hamon. Kailangan natin ng mga bagong lider na hinubog sa tamang aral, may mahusay na training sa kani-kanilang mga disiplina, at may pagpapahalaga sa kolektibo nating responsibilidad na pangalagaan ang bansa. Natutuwa rin akong nariyan ang mga tulad ni VP Leni – mahusay, tapat, may napatunayan, at higit sa lahat, may paninindigan – para magsilbing tanglaw sa isa na namang henerasyon ng kabataang gaya niya ay magiging mahuhusay, tapat, at may paninindigan. Tunay nga na ang halimbawa ni VP Leni ay simula pa lamang ng malawakang pagbabago sa ating bansa.

Minsan, di ko rin talaga maiwasang mag-alala. Para bang andaming gulo, andaming kailangang ilaban, andaming kailangang itama. Pero tuwing pinaghihinaan ng loob, kailangan ko lang tingnan ang ating mga kabataan, ang tinatawag nating pag-asa ng bayan – may ibang klaseng lakas ring mahuhugot tuwing nakikita kong marami sa kanila, handang sumunod at ipagpatuloy ang nasimulan ng mga lider na gaya ni Leni Robredo. Totoo nga namang “The kids are alright.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.