Una sa Balita

Si St. Valentine at ang mga martir na asawa

0 472

May “bae” man o wala, single o may asawa, silent generation, millenial o generation Z, lahat ng henerasyon sa Lipa, Batangas ay pinasaya natin ng isang gabi sa pamamagitan ng post-Valentine concert na tinawag nating Lipa Love Fest.

Nag-celebrate kami ng asawa kong si Vilma Santos-Recto ng post-Valentine kasama ang mga Lipeño sa pitong oras na kantahan, tugtugan, sayawan at tawanan nitong nakaraang Sabado sa Olan’s Place, BIR compound, Marawoy, Lipa City.

Higit sa 20,000 tao ang nagtipon at naki-jamming sa mga kantahan at tugtugang pinamalas nila KZ Tandingan, Kakai Bautista, JK Labajo, John Roa, Because, MNL 48, UP Singing Ambassadors, String Minstrels Orchestra at MC FAME.

Dumagdag pa sa kasiyahan ng gabi ang pagdating ng anak naming si Luis Manzano at ng Valentine date niyang si Jessy Mendiola; at ang dance number ni Alex Gonzaga na nagpainit sa malamig na klima ng Lipa. Bakas sa mukha ng mga nagtungo sa Lipa Love Fest ang kasiyahan habang umaandar ang oras hanggang matapos ang concert pasado ala-una nang madaling-araw.

Mula “silent generation” (iyung mga ipinanganak ng 1928–1945) hanggang “generation Z” (ipinanganak mula 1997) ang nakita na­ting nakisaya sa concert. Sa simpleng paglalarawan, mula lolo at lola, hanggang sa mga apo at apo sa tuhod ang ka-Valentine date namin ni Vilma noong gabing iyon.

Ang kilalang malamig na klima ng Lipa ay su­werteng napagbigyan rin ng magandang panahon kaya’t kahit siksikan ang mga tao sa concert at nakatutok ang malalakas na spotlight sa perfor­mers, nabalanse ang init ng malamig na simoy ng hangin.

Ang mga matatandang henerasyon ay hinarana ng love songs ng UP Singing Ambassadors at String Minstrels Orchestra, samantalang ang kabataan at pilit na nagpapabata ay naka-relate naman sa ibang performers.

Kuwela si Kakai Bautista na dati na palang nakatrabaho ni Vilma sa isang pelikula. Magaling ang boses na hinahaluan ng pagpapatawa ang bawat kanta.

Powerful din ang performance ni KZ Tandingan na unang nakilala nang manalo siya sa The X Factor Philippines noong 2012. Patok naman sa mga kabataan sina John Roa, Because, JK Labajo, MNL 48 at MC FAME.

Kung sa labada ay hiwalay dapat ang puti sa de-kolor, nakita sa concert kung saang henerasyon nabibilang ang mga nanonood. Karamihan sa sumasabay sa kanta ni KZ, John Roa, Because at JK Labajo ay mga mille­nial. Kaya’t nagulat ako kay Vilma na alam ang kantang “Buwan” at marami pang iba na ipinamalas ng millenial performers. Sabagay, kung titingnan mo naman ang asawa ko ay mukhang millenial pa rin naman. Hindi man aminin ni Vi, dahil ‘yan sa mahusay na pag-aalaga ko.

At ngayong buwan ng Pebrero, buwan ng pag-iibigan at pagpapakamartir, binabati namin kayo ni Vilma ng maligayang araw ng puso. Panatilihin natin ang pagmamahalan sa ating puso hindi lamang tuwing Valentine’s Day kundi habang tayo’s nabubuhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy