Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Si Prof. Clarita Carlos na nga ba sa DFA?

0 207

Malakas ang ugong ng pangalan ni Propesora Clarita Carlos na maitalaga bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilalim ng papasok na administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ang retiradong propesora ng political science mula sa University of the Philippines (UP) na isa ring beteranong political analyst ay naging tampulan ng kontrobesiya sa loob ng sariling pamantasan na kanyang pinaglingkuran ng ilang dekada dahil na rin sa kanyang naging paninindigan noong nakalipas na halalan.

Maliban kay Carlos, tanging ang pangalan lamang ni Jose Manuel “Babe” Romualdez ang nauulinigan natin na lumulutang upang humalili sa biyaherong si Teodoro Locsin Jr. bilang kalihim ng DFA.

Si Romualdez ay kasalukuyang pasugo ng Pilipinas sa Estados Unidos at pinsan ni BBM.

Sa pananaw ng ilang eksperto sa diplomasiya, mas pabor sa gobyerno ni BBM na maghirang ng isang gaya ni Carlos sa itaas ng DFA upang magpasok ng bagong ideya at konsepto sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa buong mundo.

Sa napaka kumplikadong sitwasyon ng daigdig sa kasalukuyan, mas kakailanganin ng DFA na magkaroon ng taong malalim mag-isip at hindi puro Twitter lang at pag-garanacha ang inaatupag.

Sa kabatiran ng marami, itong si Carlos ay may malawak na kasanayan sa loob at labas ng DFA. Bukod sa kanyang makulay na educational background, isa si Carlos sa mga naunang trainor ng Career Service Development Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1973.

Naging katuwang din ito ni former Sen. Leticia Ramos-Shahani sa pagbuo ng Foreign Service Institute (FSI) sa loob ng DFA at nagsilbi din bilang consultant kay dating Defense Secretary Orlando Mercado at Sen. Loren Legarda.

Umani na din ito ng iba’t-ibang pagkilala gaya ng Elpidio Quirino Professorial Chair on Foreign Policy, Maximo Kalaw Professorial Chair on Environment, dalawang Fullbright Scholarships at iba pang papuri bilang tagapagturo.

Hindi biro ang iiwanang problema nitong Duterte-Locsin tandem gaya ng South China Sea na pilit inaangkin ng Tsina at ang ating relasyon sa Estados Unidos na ilang beses nang nagkalamat sa ilalim ng papaalis na administrasyon.

Bukod sa perwisyong idinulot ng pandemya sa kaban ng DFA, dadatnan din ng bagong kalihim ang halos simot nang pondo ng kagawaran dahil sa umano’y pagwaldas at pagpapasarap sa biyahe ng mga appointed officials ni Digong.

Speaking of biyahe, tigas talaga ng mukha nitong DFA official na ito na ginamit na dahilan ang overseas voting para lamang mapasyalan ang mga anak na nakatira umano sa Singapore at New York.

At siyanga pala, may bagong kumakalat na bansag sa isang opisyal diyan sa DFA – si “Usec Titi”.

Ibig niyo ba ipahiwatig na si Usec Titi at yung manyakis na naghihimas ng puwet ni Darna sa isang video ay iisa?

And now, the plot thickens.

Leave A Reply

Your email address will not be published.