Una sa Balita

Si Nanay at Bulilit ang bida sa International Women’s Day

By
0 640

Kahapon ang taunang pagdiriwang sa International Wo­men’s Day. Nataon naman na sa Senado noong Lunes, o ilang araw bago ang naturang okasyon, tinalakay, pinagbotohan at ipinasa ng lahat ng senador sa ikatlong pagdinig ang First 100 Days o ang Healthy Nanay and Bulilit Act.

Bilang responsableng mambabatas, sa bawat panukalang batas na tinatalakay sa Senado na lumaon ay magiging batas ‘pag nakapasa sa kilatis ng mga senador at congressm­en, ang usapin ng kaakibat na pondo upang maipatupad nang maayos ang nasabing batas ang binibigyan ko ng masusing pag-aaral.

May kasabihan nga na sa paggawa ng batas, ang mga politiko ang gumagawa ng panukala, subalit ang taumba­yan ang nagbabayad para maipatupad ito.

Dito sa Healthy Nanay and Bulilit Act, masasabi ko na ginawa­ namin ang marapat. Naisabatas nang may kaukulang pondo upang matupad ang pangako sa ating mga anak na ‘di sila mababaon sa utang.

Sa ating pag-aaral, tinatayang aabot sa P17 bilyon ang gugugulin sa unang taon ng pagpapatupad nito. May naitabi na tayong P10 bil­yon, kung kaya’t ang P7 bil­yong natitira, kung ikukumpara sa mga buwis na kinokolekta ng gobyerno, ay masa­sabi nating ‘peanuts’ o mani lang.

Bakit kamo? Ang P7 bilyon ay halaga lang ng 6 o 7 linggong koleksyon ng BIR sa buwis sa softdrinks.

Pitong bilyong piso. Malaking pakinggan su­balit milyon-milyong mga nanay at bata naman ang makikinabang dito.

Para sa kaalaman ng lahat ng magulang, partikular ang mga nanay at mga paslit na alaga nila, heto ang nakaambang pakinabang sa kanila sa sandaling maisabatas na ang Healthy Nanay and Bulilit Act:

· Nutritional supplement kada taon sa 650,000 high-risk wo­men o maselan ang pagbubuntis at 300,000 babies mula sa mahihirap na pamilya

· Vitamin A drops sa 3.3 milyong sanggol na may edad 6-23 buwan

· Pagbibigay ng iron tablets (gamot) sa 3.8 milyong buntis at 500,000 sanggol

· Bakuna laban sa Hepatitis B, polio, tigdas, beke, tigdas ha­ngin sa 2.7 milyong sanggol na 1 taon pababa ang edad

· Bakuna laban sa te­tanus at diptheria sa 2.7 milyong buntis

· Pagpurga sa 3.7 milyong bata na 2 taon pababa ang edad; at babaeng edad 10-18

· Pneumococcal Conjugate vaccine o bakuna sa 1.4 milyong bata edad 1 taon pababa

· Pagsasaayos sa sustansyang sangkap ng 4 milyong metro toneladang harina at pagsi­guro na may access sa iodized salt and 50 mil­yong Filipino

Marami pang sakop ang Healthy Nanay and Bulilit Act, tulad ng promotion ng breastfee­ding, training ng mga ahensiya ng pamahalaan upang maipatupad ang First 1,000 Days sa kanilang mga programa.

Ang sumatutal, tinutugunan ng Healthy Nanay and Bulilit Act ang problema ng kakulangan sa nutrisyon na nagreresulta sa pagkaburet (stunting), ‘di sapat na timbang kum­para sa tangkad (was­ting), at kakulangan sa timbang (underweight).

Happy International Women’s Day sa ating kababaihan. Hawak niyo at nasa sinapupunan ninyo ang kinabukasan ng ating bansa.