Una sa Balita

Si Lico at ang bayanihan para sa Met

By
0 896

Si Gerard Rey Lico ay isang mananalaysay sa kasaysayan ng arkitektura sa Pilipinas. Ang kanyang aklat na Edifice Complex: Power, Myth and Marcos State Architecture ay isang inspirasyon sa aking sariling pag-aaral ukol sa pamumuno ni Imelda Marcos sa Metropolitan Manila.

Pinamumunuan niya ngayon ang isang bayanihan upang muling buhayin ang isang mahalagang kayamanang pangkultura ng ating bansa.

Ang pag-iral ng Metropolitan Theater ay una kong nalaman noong bata pa ako dahil dito ang brodkast ng lingguhang show ni Vilma Santos tuwing Biyernes sa telebisyon.

Gayundin ito ang pinagdausan ng hu­ling eksena nina Sharon Cuneta at Cherie Gil sa Bituing Walang Ningning na laging nagpapaiyak sa akin. Sa matagal na panahon, nabaon sa limot ang Met, nakapagitna sa daloy ng trapiko at alikabok sa Liwasang Bonifacio, nadadaan-daanan na lamang natin sa tuwing nagmamaneho o nakasakay sa dyipni.

Ngunit napakahalaga pala ng gusaling ito sa ating kultura. Sa disenyo ng arkitekto na si Juan Arellano, nayari ang Met noong 1931.

Ayon kay Lico, bagama’t ito ay nasa wangis ng Kanluraning Art Deco o Arts Décoratifs na nagtatag­lay ng mga malalaking hugis tulad sa cubism at matitingkad na mga kulay, naihalo ni Arellano dito ang mga disenyo ng mga bulaklak, prutas at mga puno mula sa Pilipinas.

May wangis din ang mga tusok nito sa disenyo na tila nagpapapaalala sa atin ng mga gusali sa Timog Silangang Asya tulad ng Borobodur at Simbahan ng Paoay.

Ang gusaling ito ay pagkakasal ng Silangan at Kanluran.

Nawasak ang Met noong Labanan para sa Liberasyon sa Maynila noong Pebrero 1945. Noong 1978, muli itong binuhay ni Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos sa pamamagitan ng utang sa GSIS at pinangasiwaan ni Tita Conching Sunico, isa sa mga bayani noong panahon ng Hapones.

Subalit noong 1996, dahil sa pagbabago sa politika at pagkakaroon ng iba pang mga mas bagong pasilidad, muli itong nagsara.

Sa kabila ng masamang kondisyon nito, nananatiling matibay ang gusali at mahalaga – ang tanging gusaling Art Deco na ganito kalaki at kagarbo sa Asya. Kaya naman, sa mga nakaraang taon, tinawagan ni Lico ang mga boluntir at mga kabataan na bisitahin ang Met at makibahagi sa paglilinis upang mas lalong makilala nila ang Met at magkaroon ng sense of ownership o pag-aari sa lugar sapagkat sa bayan naman ang Met at dahil pahalaga­han bilang pamana natin.

Marami ang nakibahagi sa pagbabayanihang ito.

Gayundin, natuklasan na marami palang disenyo ang tinakpan sa panahon ng restorasyon noong 1978 na sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga plano at lumang larawan. Unti-unting lumilitaw sa likod ng mga tinibag na simento ang iba’t ibang pigura na magpapayaman sa karanasan ng taong manonood ng palabas dito.

Huwag lang nating daan-daanan ang Met. Tumigil tayo minsan at tingnan ito at saksihan ang METamorphosis, ang pagbabangon at pagbabagong-anyo ng Dulaang Metropolitan.