Si Gloria ang taksil!

By

Hindi si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang nagkanulo sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) kundi si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congw. Gloria Macapagal Arroyo.

Ito ang tugon, hindi lamang ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara, kundi maging ng militanteng grupo na kumalaban sa administrasyong Aquino noong eleksyon.

Kasunod ito ng paninisi ni Arroyo sa gobyerno ni PNoy kung bakit na­ging agresibo ang China sa pagtatayo ng kanilang mga military facilities sa Spratly Group of Islands.

Ayon kay Akbayan partylist Rep. Tom Villarin, kung mayroong dapat sisihin sa pagtatayo ng China ng kanilang mga pasilidad sa mga loob ng 200 nautical miles ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay si Arroyo dahil sa nilagdaan nitong Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) sa China noong 2004.

Ito umano ang nagbigay ng pagkakataon sa China at kalaunan ay pati na rin sa Vietnam na i-expolore, hindi lamang ang mga islang okupado ng Pilipinas kundi ang ibang reef na klarong nasa loob ng teritoryo ng bansa (within 200 nautical miles).

Dagdag pa ni Villarin, ang pagbubukas ng pinto ng Pilipinas ay ginawa ni Arroyo kapalit umano ng maanomalyang deal sa China na North Rail at national broadband network o ZTE agreements at 60 iba pang agreements, “…Kaya isa siya (Arroyo) sa mga nagpatuta sa China.”

Ganito rin ang tinuran ni dating Bayan Muna partylist Rep. Neri Javier Colmenares na isa sa mga kumuwestiyon sa JMSU ni Arroyo.

“In fact the Arroyo administration never protested even if Chinese ships aggressively cruised the seas near Palawan in 2007 when it was well outside the South China Sea and the JMSU area. Nakakalungkot na gobyerno mismo ang nagkanulo sa Pilipinas kapalit ng ilang overpriced at maanomalyang kontrata,” ayon kay Colmenares.

Sa press conference ni Arroyo kasama sina da­ting Executive Secretary Eduardo Ermita at dating Solicitor General Estelito Mendoza, ibinida ng da­ting pangulo na walang gulo sa WPS sa ilalim ng kanyang administrasyon at ang pagtatayo ng mga pasilidad ng China ay nangyari lahat sa panahon ni Aquino.

“China became more aggressive after confirming the presence of resources through the JMSU. [Then] Pres. Arroyo stayed silent despite the fact that China used the information it gathered for its benefit alone,” pagpapasinungaling ni Colmenares sa mga pahayag ng lady solon.


Tinangkang kunan ng reaksyon dito si Arroyo subalit hindi sumasagot ang kanyang kampo.

Samantala, sinupalpal din ni Liberal Party (LP) Cong. Teddy Baguilat ng Ifugao ang tila paninirang ginawa ni Arroyo kay Aquino gayong bukod tanging si Aquino lamang umano ang pangulo na lumaban sa pambu-bully ng China.

“But let’s not distort history by saying PNoy’s antagonism against China’s imperialism led to more incursions,” ani Baguilat.


SHARE