Una sa Balita

Si Duterte at ang Japan

By
0 17

Sa nakalipas na linggo, binisita ulit ni Pangulong Duterte ang bansang Hapon.

Pangalawang beses na ito para sa kanya dahil noong nakaraang taon ay binisita din niya ito at mapalad akong nakasama sa business delegation.

Pumunta din sa Pilipinas ang Punong Ministro ng Japan na si Shinzo Abe sa Davao City.

Malakas ba ang Japan kay Pangulong Duterte?

Obvious ba?

Lingid sa kaalaman ng madami, nagpagawa si Duterte ng isang bantayog sa Davao City para ipakita ang ambag ng mga Hapon sa ating kasaysayan.

Bagama’t dating mananakop ito ng mga Filipino, pinatunayan ng mga Hapon ang kanilang malasakit sa ating bayan.

Ang bansang Hapon ang pinakamalaking magbigay ng tulong sa bayan natin at hindi ang US o China.

At walang kapalit na kiyeme-kiyemeng human rights echus na ginagawa sa atin ng EU o US kung magbigay ng tulong.

Alam ko na kung tumulong ang mga Hapon, walang halong kundisyon. Ang tulong ay tulong.

Ang mga Hapon na namumuhunan dito sa Pilipinas ay ang pinakaunang tumutugon kung may kailangang tulungan sa ating lipunan.

Noong October 2016, may mga kliyente akong Hapon na nagbigay ng milyones sa PNP para sa laban kontra-droga.

Noong September 2017, nagbigay din ang isang Hapon na foundation ng dalawang milyon para naman sa AFP upang matapos ang sigalot sa Marawi.

Ang SagipOFW na ginagawa ko ngayon kasama ang ibang social media bloggers ay dahil din sa tulong ng Noah Foundation Japan at Noah Global Innovations Foundation na mga Hapon din ang kasapi ng Board of Directors maliban sa akin.

Dahil sa tulong nila, naiikot namin ang buong mundo lalo na ang mga lugar na madaming Pinoy OFW upang alamin ang kanilang problema at kalampagin ang mga sangay ng gobyerno na aksyunan ito.

Galing akong Sabah.

Nakita ko ang paghihirap ng mga kapatid nating Pinoy doon.

Walang papeles, yung iba walang birth certificate dahil mga anak ng mga undocumented workers din. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya na tulungan sila.

At sigurado ako na unang tutugon sa tulong ay ang mga Hapon na minahal na din ang bansa natin.