Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Si Consul ‘Epal Glue’

0 759

Bago matapos ang nakalipas na taon, pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pamamahagi ng 2021 Gawad Mabini at Order of Sikatuna, mga parangal na ibinibigay sa mga katangi-tanging indibidwal na nasa foreign service bilang pagkilala sa kanilang ‘di matatawarang kontribusyon sa pagsusulong ng interes at postura ng Pilipinas sa ibayong dagat.

Ang Gawad Mabini ay hango sa pangalan ng tinaguriang “Dakilang Lumpo”, “utak ng himagsikan” at ng kauna-unahang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Gat. Apolinario M. Mabini.

Kung buhay lang marahil itong si Mabini ay malamang na baka mapatayo ito sa kanyang wheel chair sa galit at hambalusin ng saklay itong ating isusumbong na karakter sa ating kuwento na itatago na lamang natin sa ngalang “Consul Epal Glue”.

Bakit ba, ika ninyo?

Ilang buwan bago maganap ang 2021 Gawad Mabini, nag-‘lobby’ pala itong si Consul Glue sa mga inampalan sa DFA na mapasama ang kanyang pangalan sa mga kapita-pitagang nominado. Sabay-sabay umano napataas ang kilay ng mga hurado na may bahid ng ngitngit dahil medyo ‘di kanais-nais ang reputasyon nitong maepal na diplomat sa loob mismo ng sarili niyang kagawaran.

Bakit ba, ika ninyo ulit?

Kasi naman, bukod sa pagiging epal ay hitik na hitik sa negatibong pang-uri ang ibinabansag sa kanya ng palihim sa loob ng departamento. Kesyo mayabang, traydor, korap, user, atbp. Higit sa lahat, maraming kailangan ipaliwanag itong si Consul Glue sa mga iniwan umano nitong ‘eskeleton’ noong siya ay maluklok sa embahada ng Pilipinas sa bandang itaas ng Middle East.

Ayon sa mga nagbabagang detalye na nakalap natin sa loob ng DFA, ginawa umanong “gatasan” ni Consul Glue ang repatriation program ng gobyerno. Paano? Pinapalala umano nito ang paglalarawan ng sitwasyon sa isang lugar sa pamamagitan ng mga ‘praise release’ at tweets kahit hindi naman ganoon ka-grabe ang kaganapan. Ito ay upang makahingi siya ng dagdag pondo para sa repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Tila “hero na, kumita pa” ang peg ni Consul Glue.

Sa kabila ng kanyang sariling propaganda, kakaunti lamang ang mga OFWs na naging bahagi ng repatriation sa Pilipinas dahil maayos nga naman silang nakapaghahanap-buhay sa bansang kanilang kinalalagyan sa kabila ng panaka-nakang gulo.

Subalit nag-iwan pa umano ng utang sa embahada itong si epal nang kumuha at ‘di nagbayad ng mga repatriation tickets sa isang travel agency na walang pahintulot mula sa home office. 

Ikinagulat din ng ilang miyembro ng Filipino community ang pag-angkat ni Consul Glue ng isang ‘armored car’ para magamit umano sa kanyang sa pag-iikot.

“Hindi praktikal na magkaroon ng armored car ang isang diplomat dito dahil mainit sa mata,” ayon sa mensaheng pinadala sa atin ng isang OFW.

Naging usap-usapan ng mga OFWs na pinagkakitaan lang umano ni Consul Glue ang pagbili ng armored car na ngayon ay nakatambak na lamang sa garahe ng embahada. Salamat sa ginawang “insertion” ng isang dating kalihim ng DFA kung saan hinugot ang pinambili ng sasakyan. 

Umani rin ng pagpuna ang ipinost ng epal na diplomat na litrato niya sa social media kung saan nakasuot ito ng ‘camouflage’ habang nasa loob ng embahada. Sa paningin ng marami ay isa itong insulto sa kanyang host country.

Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang malipat sa ibang puwesto itong si Consul Glue subalit hindi pa rin ito nagsusumite ng turnover report sa kanyang binakanteng posisyon. Dahilan? Nawawala niya umano lahat ng files. Isa itong malinaw na kaso ng pagkaburara o “infidelity in the custody of documents”.

“Marami pang pinaggagawa ‘yan sa post. Hindi pa siya nag-turnover ng report sa amin,” ani isang opisyal ng DFA.

Ang pinagtataka ng marami ay kung paano nabigyan ng DFA si Consul Glue ng clearance sa kabila nang ito ay marami pang dapat ipaliwanag at panagutan sa kanyang pinanggalingan na puwesto.

Siyanga pala, hindi ba’t isa rin itong si Consul Glue sa mga naging pangunahing dahilan kung bakit pinatalsik ng Kuwait si dating Philippine Ambassador Renato Villa matapos isagawa ang umano’y rescue operation ng isang OFW mula sa tahanan ng isang Kuwaiti national noong 2018?

Leave A Reply

Your email address will not be published.