Una sa Balita

Showtime, Showdown

By
0 682

Gaganapin ngayon, July 23, ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni President Mayor Rodrigo Duterte.

Bukod sa pabonggahan ng mga kasuotan ng mga dadalo at sa magiging laman ng talumpati ng Punong Ehekutibo, dapat ding abangan sa pagbubukas ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso [Senado at Kamara] sa nabanggit ding araw.

At malamang na bukod sa pagsusumite niya ng panukalang 2019 budget sa Kongreso, at pag-apruba sa Bangsamoro Basic o Organic Law, tiyak na mababanggit din ng Pangulo sa mga mambabatas ang posibleng pagpapalit sa sistema ng gobyerno tungo sa pede­ralismo. Nakapaloob ito sa isinumiteng draft federalism constitution na ginawa at isinumite sa kanya ng Constitution commission.

Ngunit may mga lider sa Kamara ang matigas sa paninindigan na maaari nilang isagawa ang Cha-cha para maituloy ang federa­lism at huwag nang mag-eleksiyon sa 2019 para magtuloy-tuloy ang pagpapalit ng sistema. Sadyang nagkukumahog ang mga nagsusulong ng ‘no-el’ dahil sa darating na Oktubre ay dapat nang pagpaparehistro ng mga kakandidato para sa May 2019 elections. May natatakot kayang matalo kaya ayaw ng eleksiyon?

Kung magtagumpay man ang mga kongresista na isalang at talakayin ang Cha-cha sa Kamara, malaking katanungan na hindi pa nareresolba ay kung puwede ba itong gawin na mag-isa ng Kamara nang wala ang Senado sa ilalim ng sistemang Constituent Assembly o People’s Initiative. At kung sakaling makisama naman ang mga senador, ang susunod na tanong na dapat masagot, dapat bang magkasama o magkahiwalay na boboto ang mga senador at kongresista sa Cha-cha?

Diyan magkakasubukan na naman ang Kamara at Senado. At kapag hindi nila naresolba ang mga nasabing katanungan, malamang na may magdadala ng isyu sa Korte Suprema para ang mga mahistrado ang magbibigay ng kasagutan. Pero ang tanong din, kikilos kaya at makikialam ang mga mahistrado sa usapin na may kinalaman sa trabaho ng mga mambabatas dahil sa prinsipyong nakasaad sa ilalim ng Saligang Batas na ‘separation of power’ ng Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura? Aba’y abangan natin ang susunod na mga kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”