Una sa Balita

Shopee umareglo sa Blackpink scam

0 479

By Eileen Mencias

HANDANG makipag-areglo ang Shope­e Philippines sa mga blinks – fans ng K-pop group na BlackPink – na libolibo ang ginastos para makapunta sa meet-and-greet nito sa Maynila nu’ng Huwebes.

Galit na galit ang mga Pinoy blink sa Shopee dahil pinalitan nito ang mecha­nics ng promotion nito para makakuha ng ticket sa meet-and-greet at binawi pa ang tickets ng mga sinabihan nitong nanalo na. Ang iba sa mga fan na nakakuha ng notification ay bumili pa ng tickets sa eroplano para makarating sa meet-and-greet na mauunsyami lang pala.

“They are willing to settle and they have made offers,” sabi ni Fair Trade Enforcement Bureau director Ronnel Abrenica.

Pinatawag ng FTEB ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga opisyal ng Shopee Philippines ng umulan ang reklamo sa online shopping site.

Sabi ni Abrenica, inalok ng Shopee Ph ang ilan sa mga Pinoy blink ng trip to Thailand para mapanood ang concert ng Blackpink doon samantalang ang iba naman ay inalok ng P1,000 na voucher sa Shopee Ph.

Payo niya sa mga blink, magsampa ng kaso laban sa Shopee sa DTI.

Reklamo ng mga fan ng K-pop group, nagpalit ng mechanics ang Shopee. Ayon kay Abrenica, Mayo 9, inaprubahan ang promotion ng Shopee at wala itong isinu­miteng amendment sa DTI. Ayon kay Abrenica, P300,000 ang pinakama­laking maimumulta sa Shopee.

Habang dumulog na ang ilang blinks sa DTI, nanawagan naman ang iba na i-boycott na ang Shopee Ph at i-uninstall ang app nito sa kanilang mga mobile phones. Bukod dito, ini-unlike na rin ng mga Pinoy blink and Shopee sa Facebook at in-unfollow sa Twitter. Lalo mamang nanggaliiti ang iba nang pakiramdam nila’y tino-troll na sila ng empleyado ng Shopee. May nag-tweet sa isang blink na nagsabing gumastos din siya ng halos P80,000 pero hindi siya nakakuha ng ticket at hindi naman masama ang kanyang loob dahil mahalaga daw na binabasa ang terms and conditions. Nang binalikan ng Abante ang Twitter account na @Manspid04093234 na nagtatanggol sa Shopee, hindi na available ang account na ginawa lang din ngayong Hunyo 2019.

Sinisisi ng mga blink sa diumanong scam ng Shopee kaya’t matamlay ang Blackpink sa kanilang meet-and-greet sa Pilipinas kumpara sa meet-and-greet nito sa ibang mga bansa. Ayon sa mga fan, nawalan yata ng gana at nalungkot ang Blackpink dahil hindi totoong mga fan ang nakapunta sa event kaya’t hindi nito alam ang mga kanta ng banda.

Hiningi ng Abante ang panig ng Shopee ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy