Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sharon pinaliguan ng pagkain ng mga fan

0 587

Bukod sa magagandang mensahe na natatanggap ng Megastar Sharon Cuneta ngayon, kaugnay sa galit o laban niya sa taong nagbanta na gagahasain ang anak niyang si Frankie Pangilinan, aba hayun at inuulan din ng mga pagkain ang hapag ng bilyonaryang aktres.

Maya’t maya ang pasasalamat ni Sharon sa kanyang Instagram dahil buhos talaga ng mga iba’t ibang pagkain ang ipinapadala sa kanya ng mga fan, lalo na ng mga nasa food seller, reseller online business.

Makikita ang mga puto, laing, ensaymada, baked sushi, seafoods feast, at marami pang iba, na bigay nga sa kanya, bukod pa sa mga beauty product.

Bagamat para sa promo ng kanilang produkto sa online, marami sa mga nagpapadala ang gustong pagaangin ang loob niya, o mga nakikisimpatiya sa kanya, at sa pamilya niya.

Naibsan nga ang stress at galit ni Sharon dahil sa sunod-sunod na isyu sa kanya at sa mga anak niya.

Sa pamamagitan ng mga pagkain na ito ay tila nagliwanag ang mundo niya, na ikinatuwa ng mga fan niya.

Kalmado na nga ang megastar sa kanyang social media post, at idinadaan na lang niya sa pangungunsensya at pangaral ang mensahe niya.

“Bahala na ang Diyos sa amin. Siya naman ang may control sa lahat,” sabi na lang ni Sharon.

Maxene nagpagamot sa Indonesia

Naging maingat si Maxene Magalona sa pagsagot tungkol sa relihiyon, nang tanungin siya ng isang netizen kung ano na ang niyayakap niyang relihiyon ngayon.

Halos apat na buwan na ngang naninirahan sa Bali, Indonesia sina Maxene at mister na si Rob Mananquil, kung saan pareho silang nahumaling sa yoga.

Nagposte si Maxene ng larawan ng mister na nagmi-meditate at walang saplot pang-itaas. Sa caption ay pinuri ni Maxene si Rob na siyang umagapay sa kanya na malagpasan ang pinagdaanan na mental health issue.

Ito rin ang nagdala sa kanya sa fitness at healthy living (vegan). At si Rob rin daw ang naging daan para mas lalo siyang mapalapit sa Diyos, na lagi siyang kinakaray sa simbahan.

Sabi ni Maxene, natagpuan niya ang kanyang sarili sa tahanang nais niyang tirhan, dahil sa asawa. Kaya agad siyang tinanong ni @chonaenrinquez, kung siya ba ay Christian o Catholic?

Hindi ito sinagot ng diretso ni Maxene, sa halip ay parang naging kandidata siya sa isang beauty pageant.

“I am a human being who believes in God and respects all religions,” sey niya.

Ikinakabit nga kasi ang yoga sa Hinduism, Buddhism.

Jed nag-feeling Lea Salonga

Natawa si Lea Salonga sa pagi-impersonate sa kanya ng kapwa Kapamilya artist na si Jed Madela. Naka-tag si Lea sa video na tila ipinapaliwanag ni Jed ang istilo ni Lea sa pagkanta, na ayon sa kanya ay parang may nakikita ito na hindi nakikita ng iba. Malayo rin daw palagi ang tingin nito.

Na kapag kumanta raw si Lea ay parang palaging may hinahanap sa kung saan-saan.

Nagpa-sample pa si Jed ng dalawang Broadway song na kinanta ni Lea noon. At maririnig ang tawanan, palakpakan ng mga nanonood sa panggagaya ni Jed.

Kuhang-kuha niya ang paglaki ng mata nito, pagbaling ng mukha sa kung saan-saan habang nakatingin sa kawalan, at pati na ang boses ni Lea.

Humahalakhak talaga si Lea sa comment niya sa video.

“Hahahaha! He’s not wrong though! @jedmadela!” sey ni Lea.

Isabelle gumawa ng palayok sa Hong Kong

Kung si Solenn Heussaff ay nagpipinta, ang paghulma ng palayok naman ang pinagtripang gawin ni Isabelle Daza.

Masisilip sa Instagram ni Isabelle ang larawan na hawak niya ang isang palayok, at kung paano niya ito ginawa. Sabi niya, pikit-mata ang pagkuha niya ng pottery making dahil baka hindi raw siya maging mahusay rito.

At mukhang sa Hong Kong pa nag-aral ng paggawa ng palayok si Isabelle, ha! At mukhang wala na siyang balak magbalik showbiz, lalo at kung saan-saan yata nadedestino ang mister niya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.