Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Shanyl ng Cebu waging ‘Aliwan Fiesta Queen’

0 93

Ayaw talagang paawat ng mga Cebuana sa paghakot ng mga korona sa beauty pageant, ha!

Ang bongga nga nila, dahil heto nga at kinoronahan bilang Aliwan Fiesta Digital Queen 2021 si Shanyl Kayle Hofer ng Minglanilla, Cebu, nitong Sabado, sa ikalawang pagtatanghal ng online pageant ng Manila Broadcasting Company (MBC).

Tinalo ni Hofer ang 11 kandidata mula iba’t ibang bahagi ng bansa, sa apat na linggong kompetisyon nitong Setyembre. Nagkamit siya ng P50,000 premyo, P50,000 din para sa benepisyaryong kooperatiba ng mga maliliit na negosyanteng nabiktima ng pandemya na pinili niya.

Si Shanyl, 20 years old, ay estudyante ng University of San Jose Recoletos, na wagi ring Best in Evening Gown.

Samantala, pang-second naman si Vijie Matias ng San Manuel, Isabela, at pang-third si Chynna Kaye Verosil ng Bugallon, Pangasinan.

‘Hakot awardee naman ang national athlete mula Kalibo, Aklan na si Cherry May Regalado nang hirangin siyang Netizens’ Choice, Best in Talent, at kandidatang naglahad ng Best Digital Production, na umikot sa kanyang pagiging pencak silat gold medalist ng bansa na hinarap ang balakid ng kahirapan at ngayo’y humuhubog nga mga kabataan upang maging mga champion balang araw.

Tumanggap din ng special award sina Angeli Gabrielle Therese Estrada ng Puerto Princesa, Palawan (Miss White Rose Papaya and TNT Nasa Saya Yan); Sharmaine dela Cruz ng Zamboanga (Miss Charm); Keith Arboleda ng Echague, Isabela (Miss Unique Smile); at Krysti Anne Villarias ng Cabadbaran, Agusan del Norte (Palmolive Gandang Natural).

Ang Aliwan Fiesta Digital Queen 2021 ay binuo ng MBC, DZRH, Love Radio, Yes The Best, Easy Rock, Aksyon Radyo, at Radyo Natin.

Si Hofer ang ika-siyam na nanalo mula Cebu sa Aliwan Fiesta.

Nanalo na rin noon sina Elizabeth Maynard (2009), Rizzini Alexis Gomez (2010), Rogelie Catacutan (2011), Angeli Done Gomez (2012), Jamie Herrell (2013), Steffi Rose Aberaasturi (2014), Cynthia Thomalla (2016), at Marla Alforque (2017). (Dondon Sermino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.