Una sa Balita

Shabu pantaya sa cara y cruz 3 bagets timbog

By
0 627

BINITBIT sa presinto ang tatlong menor de edad na lalaki matapos makuha sa kanilang bulsa ang apat na sachet ng shabu habang nagka-cara y cruz at isang babae na nakunan naman ng isang sachet ng shabu habang nagsasagawa ng anti-criminality campaign ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), kamakalawa nang hapon sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.

Ayon sa MPD, dakong alas-5:30 nang hapon nang madakip ang tatlong ‘di pinangalanang suspek dahil pawang menor de edad lamang at pawang nasa edad 15-17 sa Oscares Street, kanto ng Palanca Street sa Quiapo.

Nabatid na nagroronda umano ang mga tauhan ng MPD-Police Station 3 nang maaktuhan ang mga suspek na nagsusugal sa kalsada kaya sinita.
Nang kapkapan ay nahulihan pa ng apat na sachet ng shabu ang mga suspek kaya binitbit sa presinto.

Dinakip naman si Rose Ann dela Cruz, 32, residente ng Lope de Vega Street, Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, matapos na makuhanan ng isang pakete ng shabu ng mga nagpapatrolyang barangay official dakong alas-2:20 nang hapon kamakalawa sa Brgy. 484, Zone 48 sa Sampaloc.

Nasa kustodya na ng pulisya ang mga suspek at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.