Shabu, armas, bala nasabat sa mga Parojinog

By

Nasa mahigit P100 milyon halaga ng shabu, sari-saring armas at bala ang nasabat sa magkakasabay na pagsalakay sa magkakahiwalay na bahay ng mga hinihinalang tagasuporta at kaanak ng napatay na si Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog sa nasabing lungsod sa Misamis Occidental kamakalawa ng gabi.

Sa bisa ng search warrant, nagsagawa ng mga pagsalakay ang pulisya sa pamumuno ni Ozamis City Police director, Chief Insp. Jovie Espenido na nagresulta sa pagdakip kina Melodin Malingin at Gaudencio Malingin.

Nakuha mula sa bahay ng mga ito ang walong plastic bags na may lamang walong kilo ng shabu, at isang rolyo ng aluminum foil.

Sunod namang sina­lakay ang bahay ng isang Michael Parojinog Gumapac, at nakuha rito ang dalawang plastic bag na may lamang dalawang kilo ng shabu.

Nakatakas naman ang dalawang suspek na sina Manuelito, Rizalina at June Francisco nang salakayin ang kanilang bahay kung saan natagpuan naman ang isang M-4 Boost Master, tatlong short M-16 magazines, isang bandolier, 90 pi­raso ng bala ng M-16, dalawang rifle grenade launcher, at tatlong bala ng M-203 grenade.

Sa bahay naman ni Ricardo Parojinog, isang M-16 rifle, isang steel short magazine, 19 na bala ng baril, at isang hand grenade ang narekober.

Si Ricardo ay kapatid ng napatay na alkalde.

Nauna rito, nakasabat din ang pulisya ng P32 milyong halaga ng shabu kay Butch Merino na da­ting driver/bodyguard ni detenidong Ozamis Vice Mayor Princess Nova Parojinog. 

SHARE