Una sa Balita

Shabu ang pusta: 3 dinampot sa cara y cruz

0 206

KULUNGAN ang bagsak ng tatlong lalaki matapos mahuling nagsusugal sa kalsada habang ang ginagawang pustahan umano ay isang sachet ng shabu makaraang makatanggap ng tip ang Pasig Police, kahapon nang madaling-araw sa Brgy. Pinagbuhatan.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na sina John Anthony Santos y Solis, 26-anyos, vendor; Jose Lazalita y Buenaventura, 37-anyos, construction worker at Reynante Santos y Barabad, 18-anyos, vendor, pawang mga residente ng Pasig City.
Una nang nakatanggap ng tawag mula sa telepono ang Pasig Police Community Precinct 8 kaugnay sa pagsusugal ng cara y cruz ng mga suspek na kung saan ay nag-iingay sila at napag-alamang shabu ang ginagawang pustahan sa pagsusugal.

Agad na rumesponde ang PCP-8 bandang ala-una nang madaling-araw sa kahabaan ng Riverside St., Ilugin, Brgy. Pinagbuhatan, at doon naaktuhan ang mga suspek.

Agad naman nagkalasan ang mga miron nito at nadampot ang tatlong pasimuno ng sugal at nang kapkapan ay isang sachet na naglalaman ng shabu ang nakuha kabilang na ang P120 na betting money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act at RA 9165 illegal drugs act. (Vick Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy