Una sa Balita

Sey ng Pinoy… ‘No to postponement/ appointment’ arangkada

0 7

Sa ikalawang araw ng Abante survey, umarangkada ang sagot na “no to postponement/appointment” sa tanong na: Payag ba kayo sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na kanselahin ang eleksyon at hayaan na lamang ang Pangulo na magtalaga ng mga opisyal nito?

RENE EVENGELISTA, 53, taho vendor, Libertad, Mandaluyong City: Hindi ako payag makansela ang barangay election, dapat ituloy na ito. Kung si Pangulong Duterte pa ang maglalagay ng kabesa, dagdag pa ito sa trabaho niya at baka magkamali pa siya ng pagpili lalu’t hindi ma­­ging maganda ang pa­lakad sa brgy. Baka lalo pang lumala ang krimen at dumami pa ang adik.

RICHARD MESA, 28, service crew, Leveriza St., Pasay City: Hindi ako papayag na muling kanselahin ang brgy. election at si Pangu­long Duterte na lang ang pumili ng iluluklok. Kung ganito ang gagawin ng Pangulo, ang loyalty ng magiging tserman ay na kay Duterte at hindi sa kanyang nasasakupang mamamayan.

JENARDSON CABILAO, 21, estudyante, Makati City: Kung kakanselahin ulit ang election at ang mauupo ay pipiliin ng Pangulo, hindi na matatakot gumawa ng anomalya sa brgy. Dahil ang nasa isip nila ay mala­kas ang kanilang kapit at makapangyarihan ang nagluklok sa kanila. Tiyak na apektado ang mamamayan na kanilang pagli­lingkuran dahil magagawa na nila ang kanilang gusto kahit hindi pabor sa constituents kaya hindi ako payag na kanselahin ulit ang election.

TESSIE RODRIGUEZ, 47, tindera sa Muñoz, Quezon City: Naku, dami ng abusado eh, patatagalin pa ba ‘yun? Kahit pa sabihin na si Duterte ang pipili ng iuupo, kilala ba niya lahat ng tao sa mga barangay? Dapat ituloy ang eleksyon para mapalitan na ‘yang mga wala naman tala­gang ginawang matino sa barangay.

ROLANDO MATIAS, 53, jeepney driver, Commonwealth Avenue, QC: Hindi ba nasa batas ‘yang eleksyon? ‘Yung mga taong magiging lider sa barangay dapat iboboto talaga. Hindi ako pabor na i-postpone na naman ‘yan. Kalokohan ‘yan.

JULIO ROSALES, 35, mall guard, Bulacan: Basta si President Duterte ang gumawa, siguradong okay ‘yun. Wala naman sigurong masamang mag-appoint na lang, kung kelangan na s’ya talagang pumili para tumino ang mga barangay sa pagdroga. Sige lang.

JAY MANALAD, 38, may-asawa, trader, Barangay Tikay, Malolos City, Bulacan: Dapat matuloy ang eleksyon ng barangay sa Oktubre dahil karapatan nating mamamayan lalo na ang mga Maloleñong tulad ko na pumili ng iluluklok naming opisyal na hindi corrupt at hindi sangkot sa ilegal na droga.

BEN NATIVIDAD, 61, karpintero ng Guiginto, Bulacan: Pabor ako na huwag matuloy ang Barangay at SK elections dahil marami namang opisyal ng barangay na matitino ang panunungkulan pero hindi ako kuntento na si Pangulong Duterte ang mag-appoint. Hindi niya naman kilala ang kanyang itatalaga at baka maging palakasan lang kapag pinadaan kung kani-kanino.

CLAIRE BAUTISTA, 19, student, ng Plaridel, Bulacan: Hindi po ako pabor na mag-appoint si Pangulong Duterte ng lider sa bawat barangay dahil dapat po ang magpapasya nito ay mga constituents ng isang lugar para masiguro nilang totoong maglilingkod ang mailuluklok nila.

HAZEL DE BENITO, 32, Malolos, Bulacan: Hindi ako pabor na mag-appoint na lang ng mga Barangay Captain si Pangulong Duterte. Kapag ‘yan nangyari matakot na tayo dahil lahat ng mga ‘yan ay magiging tau-tauhan na din ng administrasyon, baka mas marami pa ang mga mamamatay. Nasaan na ang demokrasya at karapatan ng bawat mamamayan na pumili at magluklok ng opisyal na gusto nila?

BERNADETTE INOCENCIO, student, Batasan Hills: Huwag payagan ng mga mambabatas na maisakatuparan ito ni Pangulong Duterte, ‘yung supermajority sa Kamara at Senado kapag pinayagan nila ito ay tiyak na magsisisi sila dahil babalikan sila ng taumbayan, hindi na sila iboboto. Mali kasi ito. ‘Yung cabinet members nga na appointed ng Pangulo blind followers na eh lalo na kung mga barangay chairman ang appointed, gulo na ito.

MONYEEN MORALES, employee, Malolos, Bulacan: Bakit pino-postpone nila ang eleksyon? Eh ‘di ang swerte ng mga barangay chairman, ang iba na­ngungurakot na lang kasi ang tagal na sa pwesto. Dapat kung ano ang nasa batas ‘yun ang gawin nila. Wala naman sa batas na mag-appoint na lang ng mga barangay chairman, eh kung appointed lang sila lahat wala nang magtatrabaho d’yan sisipsip na lang kay Pangulong Duterte. (Itutuloy)