Una sa Balita

Sex education isulong para maiwasan ang teenage pregnancy

0 524

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isa sa ating tinututukan ay ang lumolobong bilang ng kabataang nagbubuntis habang sila ay menor de edad at nag-aaral pa.

Nanawagan kamakailan ang Commission on Population and Development (PopCom) na ideklarang national emergency ang teenage pregnancy. Kaya naman nais kong magkaroon ng isang pandinig sa Senado para pagtibayin ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) dahil umaasa tayong makakatulong ito upang mabawasan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis sa bansa.

Sa kabila ng pagsasabatas ng Reproductive Health Law taong 2012, patuloy pa ring tumataas ang bilang ng maagang pagbubuntis.

Base sa 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), siyam na porsi­yento (9%) sa 4.9 mil­yong kababaihang may edad 15-19 ang nagsimula nang maging ina. Mula 2011 hanggang 2017, umakyat sa mahigit 50 porsiyento ang bilang ng pagbubuntis sa mga babaeng 10 hanggang 14-taong gulang. Ayon sa pag-aaral ng PopCom, 30 hanggang 50 na kaso dito ay pagbubuntis ng mga batang may edad na 10.

Sadyang nakapa­ngangamba rin ang datos ng 2017 Annual Po­verty Indicators Survey ng PSA dahil ayon sa pag-aaral, ang pagpapakasal at mga usaping pampamilya ang mga pangunahing dahilan ng hindi pagpasok ng mga babaeng out-of-school children and youth.

Dahil dito, napagkakaitan ang kabataan ng maayos na kalusugan at magandang kinabukasan kung hindi natin sila nagagabayan sa usaping ito.

Naniniwala tayo na kung may mabisang prog­rama at sapat na kakayahan ang mga paaralan upang ituro ang CSE o ‘yung mas komprehensibong sex education, maiiwasan natin ang pagdami ng mga batang tumitigil sa pag-aaral dahil sa maagang pagbubuntis.

Nakita rin sa pag-aaral ng NDHS na mas mataas ang posibilidad ng maagang pagbubuntis sa kabataang nakatira sa labas ng mga lungsod. Sampung porsiyento (10%) ng kababaihang mula sa labas ng mga siyudad at may edad na 15-19 ang nagsimula nang magbuntis. Mas mataas ito ng tatlong porsiyento sa bilang ng kababaihang nasa parehong edad at nakatira sa mga lungsod.

Base pa sa United Nations Population Fund, P33 bilyon kada taon ang nawawala sa ating bansa dahil sa teenage pregnancy. Ang hala­gang nabanggit ay ang tinatawag na potential income na magmumula sana sa kabataang nakatapos ng pag-aaral at nakapagtrabaho. Ang hindi nila pagpasok sa paaralan, kawalan ng sapat na impormasyon at kakulangan sa pangangalaga ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit maagang nabubuntis ang kabataang ito.

Dahil sa problemang ito kaya dapat magkaroon na ng matatag na polisiya.
Tandaan natin, ang pagpoprotekta sa batang kababaihan ay susi upang sila ay maging matagumpay at produktibong indibidwal sa bawat pamilya, lipunan at buong bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy