Una sa Balita

Sereno umaming dinoktor ang SALN

0 5,180

SENTRO ng oral argument sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court (SC) ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno.

Pero bago ganap na nagsimula ang pagdinig kahapon ay inanunsiyo ni Acting Chief Justice Antonio Carpio na tumangging mag-inhibit sa quo warranto hearing sina Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Lucas Bersamin, Noel Tijam, Francis Jardeleza at Diosdado Peralta dahil sa kawalan ng merito.

Labing dalawang mahistrado ang dumalo sa deliberasyon, wala sina Associate Justices Andres Reyes at Mar del Castillo.

Pinanumpa si Sereno ni SC en banc Clerk of Court Atty. Edgar ­Aricheta.

Agad na nagkainitan sina Sereno at De Castro na isa sa gumisa sa Punong Mahistrado sa oral argument at kinuwestiyon sa kanyang SALN.

Rumesbak si Sereno at inurirat si De Castro sa mga hindi nito isinumiteng SALN.

“Before I answer that question. Can I have your assurance that should a quo warranto petition be filed against any of you, on the ground that one or more of your SALNs are not on record. That you would also, under oath, declare before this court, answer all questions regarding your SALNs. For example Justice De Castro who should have filed 39 SALNs but filed only 15 with the JBC (Judicial and Bar Council),” giit ni Sereno.

Binara ni De Castro si Sereno at iginiit na sumagot ito sa mga katanungan dahil ito ay under oath.

Pumapel si acting Chief Justice Antonio Carpio at inutusang su­magot muna ang Chief Justice sa katanungan sa kanya sa SALN.

Sa pagtatanong ng mga kapwa mahistrado ay inungkat ang SALN ni Sereno pati na kung magkano na ang Net Worth nito sa kasalukuyan.

“What’s your Net Worth in 1999?” tanong ni Associate Justice Marvic Leonen sa kanya. Sinagot ito ni Sereno na “P1.84 million.” Nang tanungin kung magkano na ngayon ang kanyang yaman ay sumagot ulit si Sereno na ‘as of 2016’ aniya ay nasa P24.9 milyon na.

Isa pang kinuwestiyon ng mga mahistrado ang isinumiteng SALN ni Sereno kung saan ay iginiit nito na ang SALN form na kanyang na-download ay may petsang 2006 pero lumalabas na nilagdaan ito sa petsang 2010.

Pinayagan ni Carpio na magkaroon ng Powerpoint presentation hinggil dito ngunit nagkaroon ng technical issue kung kaya’t binasa na lamang ng Acting Chief Justice ang SALN kung saan ay kumpirmado na ang printed date sa SALN form ay 2006 ngunit nilagdaan ito noong Hulyo 2010.

Sa isang yugto ng oral argument ay iginiit ni Sereno na kahit hindi hinihingi sa kanya na magsumite ng SALN ay ginagawa pa rin niya ito.

Ngunit nang tanungin ni Associate Justice Francis Jardeleza kung ano ang partikular na dahilan kung bakit hindi siya nagsumite ng SALN noong 2003 ay sumagot si Sereno na wala na siyang kopya nito.

Iginiit din ni Sereno ang ‘Doblada Doctrine’ sa tanong ni Leonardo-de Castro kung hindi niya kayang i-produce sa SC ang kanyang mga SALN.

“Doblada never produced a SALN before you,” sabi ni Sereno.

“All that we want to know from you is if you complied with the requirement of the law in the SALN submission and if you were truthful to the JBC,” tanong pa sa kanya ni Leonardo-de Castro.

Sa kanyang Powerpoint presentation ay ipinakita ni Sereno ang profile matrix na ipinamahagi sa Judicial and Bar Council (JBC), kabilang na si Justice Pe­ralta kung saan binanggit sa kanyang sulat na hindi na niya ma-produce ang mga dokumento na may 15 taon na ang nakalilipas.

“I know nothing about what happened inside the JBC. If they found that the three SALNs were not enough, they should have struck out my name out but they did not. They had 11 chances but they did not,” depensa pa ni Sereno.

“Are you blaming the JBC?” balik-tanong sa kanya ni Leonardo-de Castro. “No, it was a perfectly legitimate act,” depensa ulit ni Sereno.

Binanggit naman ni Justice Peralta na kumikita ng milyon-milyon noong 2004, 2005 at 2006 si Sereno bilang consultant ng Philippine International Terminals Company Incorporated (PIATCO) pero bakit hindi umano nito idineklara sa kanyang SALN.

Iginiit muli ni Sereno na sumusunod siya sa pagsusumite ng SALN ngunit idinepensa ang ‘Doblada Doctrine’.