Una sa Balita

Sereno sopla sa SC, malabo pa sa Senado

By
0 1,433

PINAL na ang desisyon ng Supreme Court na patalsikin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa botong 8-6 at may nakaamba pang kaso na isasampa laban sa kanya para tuluyang ma-disqualify sa paghawak ng ibang puwesto sa gobyerno.

Isa si Sereno sa pina­lulutang na patatakbuhin sa pagka-senador sa 2019 elections.

Inihayag kahapon ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na puwedeng gamiting basehan sa pagsasampa ng kaso ang report ng pinamumunuan niyang House committee on justice na siyang nagsagawa ng public hea­ring sa impeachment complaint na inihain laban kay Sereno.

“The report is an open document, it is a public document. Once this report is approved by the House in plenary, then that can serve as basis in pursuing cases,” paliwanag ni Umali sa panayam ng media kahapon.

Sinabi ni Umali na nasa pagpapasya na ng executive department kung sasampahan ng kaso si Sereno.

Nabatid na nakapaloob sa committee report na hindi pa nailalahad sa plenaryo ng Kamara, ang anim na Articles of Impeachment laban kay Sereno.

Inaprubahan ng House panel ang Articles of Impeachment ganundin ang committee report sa botong 33-1.

Kabilang sa Articles of Impeachment ang apat na ‘grounds’ para mapatalsik sa puwesto si Sereno: “culpable violation of the Constitution, corruption, betrayal of public trust and other high crimes”.

GOOD LUCK SERENO – PALASYO

Ipinahayag ng Malacañang na dapat tanggapin ang pinal na desisyon ng SC sa quo warranto petition kay Sereno.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang desisyon ng SC kaya’t ang hinihi­ling ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magsama-sama at magkaisa muli ang sambayanan.