Una sa Balita

Sereno sibak sa 8-6 boto

By
0 585

Iginuhit kahapon ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) ang landmark decision nito matapos patalsikin sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General.

Sa botong 8-6 ng SC special en banc session, sinibak si Sereno matapos paboran ng mas nakararaming mahistrado ang quo warranto petition dahil sa kabiguan ng Punong Mahistrado na matugunan ang kinakailangang pamantayan para sa mga mi­yembro ng hudikatura.

“Wherefore, the petition for quo warranto is granted. Respondent Maria Lourdes Sereno is found disqualified from and is hereby adjudged guilty of unlawfully holding and exercising the Office of the Chief Justice. Accordingly, res­pondent Maria Lourdes Sereno is ousted and excluded therefrom.

“The position Chief Justice is declared vacant and the Judicial and Bar Council is directed to commence the application and nomination process,” nakasaad sa binasang pahayag ni SC spokesman Theodore Te.

Sa ginanap na press briefing, sinabi ni Te na “final and executor” ang desisyon ng SC.

Kabilang sa walong mahistrado na bomoto pabor sa quo warranto petition ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Hindi naman pumabor sa quo warranto petition sina Associate Justices Antonio Carpio, Presbitero Velasco, Estela Perlas-Bernabe, Mariano Del Castillo, Marvic Leonen, at Benjamin Caguioa.

Apat sa mga mahistrado na bomoto para patalsikin si Sereno ay iniupo ni Pangulong Rodrigo Duterte, tatlo ang appointee ng da­ting Pangulo at ngayon’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, at isa ay itinalaga ni da­ting Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Tiniyak naman ng kampo ni Sereno sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Josalyn Deinla na maghahain sila ng motion for reconsideration.

Iginiit pa ni Sereno na dalawang mahistrado lamang ang bomoto para siya ay mapatalsik kung nag-inhibit ang anim na mahistrado na unang tumestigo laban sa kanya sa impeachment hearing ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso.

“Now, that the Supreme Court has spoken, there is nothing more that Attorney Maria Lourdes Sereno could do but accept her fate and move on,” pahayag naman ni Atty. Eligio Mallari na isa sa mga nag-aakusa kay Sereno.

Ipinahayag naman ni Presidential Anti-Corruption (PACC) Commissioner Manuelito Luna na wala siyang ibang masasabi kundi hangad niya ang tagumpay ni Sereno sa pagsisimula nito ng bagong yugto sa kanyang buhay bilang isang pribadong mamamayan at simpleng abogado.

Matatandaan na noong Pebrero 21, nagtungo sina Mallari at Luna sa tanggapan ni Solicitor General Jose Calida upang pormal na hilingin na simulan ang quo warranto procee­ding laban kay Sereno dahil sa kakulangan na mapatunayan nito ang kanyang integridad pati na rin ang mental ­qualification.