Una sa Balita

Sereno impeachment hahatulan ni Fariñas

By
0 1,359

KASAMA sa agenda ng pulong na gaganapin ngayon sa Kamara na pamumunuan ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas ang report ng House committee on justice sa impeachment complaint laban kay da­ting Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kinumpirma ni Fariñas na magkakaroon ng pulong ang House committee on rules na kanyang pinamumunuan at kasama aniya sa pag-uusapan ay kung ano ang susunod na hakbang sa impeachment complaint laban kay Sereno.

May hurisdiksyon anya ang komite sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa mga panuntunan ng Kamara kung kaya’t dedesisyonan nito kung ano ang gagawin sa impeachment complaint kay Sereno.

“Hence, it is now the Rules Committee that will decide what to do with it, and when to do it, subject to the 10-session day period provided by the House Rules,” pahayag ni Fariñas.

Nauna rito ay inihayag ni Fariñas na hihintayin muna ng Kamara kung ano ang magiging pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) sa ihahaing motion for reconsideration ng kampo ni Sereno na pinatalsik bilang Punong Mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto petition.