Una sa Balita

Serena doble-alat sa US Open

By
0 467

DOUBLE black eye ang inabot ni Serena Williams sa US Open. Nasilat na sa title match ng huling grand slam ng taon, pinagmulta pa ng tournament officials ang tennis star ng $17,000 dahil sa tatlong code violations sa kontrobersiyal na championship match.

Nadisgrasya si Williams 6-2, 6-4 kay Naomi Osaka ng Japan matapos makipagsagutan at makipag-argumento kay umpire Carlos Ramos.

Dahil sa tatlong violations na nagresulta sa penalty, pumabor ang match kay Osaka, 20.

Una ay winarningan ni Ramos si Williams dahil nagpapa-coach daw ito sa kanyang team sa player’s box.

Sinabi ng 23-time grand slam winner na hindi siya “cheat” at matatalo na lang kaysa mandaya. Uminit pa ang sitwasyon nang tawagin ni Williams na “thief” si Ramos dahil binawasan ng umpire ang game ng player.

Tapos na ang match at itinaas na ni Osaka ang tropeo sa Flushing Meadows para maging unang Japanese na nagkampeon sa isang grand slam event, tuloy ang pagdepensa ni Williams sa sarili.

Tinumbok niya ang double-standard daw ng sport, dahil wala naman daw male tennis player na binigyan ng ganu’n kabigat na pe­nalties kahit pareho lang sila ng ginawa.

Ayon sa The Associa­ted Press, pinagmulta ng tournament referee’s office si Williams ng $10,000 dahil sa “verbal abuse” kay chair umpire Ramos, $4,000 nang mawarningan sa coaching, at $3,000 nang ihambalos at wasakin nito ang raketa sa court.