Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Senyales ng teen depression

0 192

Napakaraming pagbabago sa ating mga anak kapag sila ay nagdadalaga o nagbibinata na. Minsang bad mood or kaya ay nagiging ‘pasaway’. Mayroon ding nagiging mas emosyonal, may lumalayo ang loob sa atin at mas nagsasabi ng problema sa mga kaibigan at kabarkada.

Minsan, akala lang natin wala, pero mayroon, mayroon! na pala silang pinagdadaanan. May mga pagbabagong hindi natin napapansin pero mga senyales na pala na dumadaan na sila sa depresyon.

Noong September 10 ay World Suicide Prevention Day, at naisip kong bilang mga magulang, dapat ay bukas ang ating isip at mga puso para masuportahan ang ating mga anak na maaaring dumadaan na pala sa depresyon.

Paano natin malalaman? Narito ang ilang signs:

1. Nawala ang interes niya sa mga bagay na dati’y nagpapasaya sa kanya. Enjoy na enjoy siya sa pagguhit, pero bigla na lang itinago ang mga drawing materials niya. Interesado siya sa pagluluto, pero biglang nawalan na lang ng gana. Kahit ang simpleng paggamit ng social media na noo’y kinahihiligan niya, kung biglang tinigilan na ay pwedeng sintomas na ng depresyon.

2. Palaging gusto niyang mapag-isa. Kapag nasa adolescent years, natural na maging palakaibigan ang mga anak natin. Kung wala nga lang quarantine, sigurado akong mas madalas niyang kasama ang mga kaibigan. Pero kung unti-unti ay napapadalas ang pag-iisa, at kahit sa inyo sa bahay ay hindi na masyadong nakikipaghalubilo baka dapat ay pakiramdaman kung may dinadamdam.

3. Napapadalas ang pagiging balisa o kawalan niya ng gana. Normal sa teenager ang mga pagbabago dahil na rin sa hormones na nag-iiba. Minsan nagiging dahilan yan ng kanilang pagiging helpless, pagkabalisa, kawalan ng gana. Pero hindi ito dapat tumagal ng isa hanggang dalawang linggo.

4. Iritable at bad mood parati. Normal ang pagmamaktol sa mga teenagers. Normal din na magalit sila paminsan-minsan. Pero kung napapadalas ang pagiging iritable at bigla-bigla na lang nagagalit o sumisigaw nang walang dahilan, pwede mo siyang kausapin ng maayos para malaman kung ano ang kaniyang dinaramdam.

Mahalagang tandaan na ang mga anak natin, kung may pinagdadaanan man ay hinding-hindi mag-o-open sa atin. Sa katunayan, magpapanggap pa yan na okay sila para maitago ito. Kaya payo ko sa mga kapwa ko nanay at tatay, iparamdam natin na lagi tayong nandiyan para sa kanila, handang tumulong, handang makinig, handang umalalay kung sakaling kailanganin nila ng tulong.

Nakakaranas ng pagkabalisa, takot o depresyon? Pwedeng tumawag sa hotline na ito:

National Center for Mental Health
0917-899-USAP

HOPELINE
0917-558-4673
8804-4673

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.