Una sa Balita

Senior HS student sa Cavite nagbigti

By
0 2,789

Hinihinalang dahil sa problema sa lovelife kaya nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang 17-anyos na senior high school student sa Trece Martires City, Cavite.

Kinilala ang biktima na si Angel (‘di tunay na pangalan), grade 11 student ng St. Jude School at residente ng Brgy. Inocencio, Trece Martires City, Cavite.
Sa report ni PO2 Armando Ayson Jr. ng Trece Martires City Police Station, dakong alas-siyete ng gabi nang madiskubre ang biktima na nakabigti sa loob ng kanyang kuwarto.

Ayon sa ina ng biktima, tinatawag umano nito ang kanyang anak pero hindi ito sumasagot kaya pinuntahan nito sa kanyang kuwarto subalit bumungad sa kanya ang anak na nakatali ang leeg sa bintana ng kuwarto.

Ayon kay PO2 ­Ayson, hinihinalang depresyon sa lovelife ang nakikitang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.

“Sa inisyal na im­bestigasyon ko, depresyon ang nakikita kong dahilan kung bakit siya nagpakamatay, parang may problema yata sila ng kanyang boyfriend. Pero nakausap ko ‘yung boyfriend niya, hindi naman daw sila nag-aaway,” ayon kay Ayson.

Isusumite rin sa di­gital forensic examination ang cellphone ng biktima upang mabasa ang mga huling text message nito bago ito magpakamatay dahil naka-lock umano ito.