Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Senior citizen na nag-donate ng milyones sa 3 school naglaho

0 107

Parang bula na naglaho ang isang misteryosong matandang Hapon matapos diumanong magbigay ng 10 milyon yen sa tatlong paaralan sa Japan na kanyang binisita nitong Pebrero 24, 2021.

Ayon sa ulat, hindi umano nagpakilala ang matanda na sinasabing nasa edad 70, matapos na kausapin ang mga staff ng binistang Municipal Saibi Elementary School, Kasuga Naka at Ichijo High School na kanyang inabutan ng plastic bag na naglalaman ng halagang 10 milyon yen.

Sinabihan umano ng Japanese na gamitin ang pera para sa mga batang mag-aaral at saka umalis nang hindi man lang binanggit ang kaniyang pangalan ayon sa pahayag ng Nara City board of Education.

Sinubukan pa umanong habulin ng staff ng paaralan ang matandang Hapon subalit hindi na nila ito naabutan.

Ayon sa mga paaralang binigyan ng donasyon, ang iniwang malaking halaga ng misteryosong matanda ay gagamitin nila sa edukasyon at mga aktibidad ng kanilang mga estudyante.

Nabatid na hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ng ‘anonymous donation’ ang Nara City, dahil nitong nakaraang Disyembre, isang matanda ring lalaki ang nagbigay ng 30 milyong yen na nakasilid sa plastic bag, sa school staff para umano gamitin sa gagawing mga hakbang sa pag-iwas sa coronavirus.

Kaya hinala ng board of education, ang nagbigay ng donasyon noon Disyembre at nitong Pebrero ay iisang tao lamang.

Anuman umano ang motibo ng misteryosong matandang lalaki, asahan umano nitong ang ipinagkaloob nitong malaking halaga at pakikinabangan ng mga batang mag-aaral sa nasabing lungsod. (Dolly Cabreza)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.