Una sa Balita

Senglot na mister tinarakan ng biyenan

0 483

Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos na ito ay saksakin ng kanyang biyenang babae sa Mauban, Quezon noong Sabado ng gabi.

Nasawi habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Mark Albren Cuento, residente ng Brgy. Daungan.

Batay sa report ng Mauban Police, lasing na dumating ang biktima sa bahay ng kanyang biyenan na si Genilda Chavez Nievarez , 41, para sunduin ang kanyang asawa.

Subalit hindi umano pumayag ang suspek na sumama ang kanyang anak sa lalaki kaya nauwi sa kaguluhan ang sitwasyon.

Sa gitna ng komosyon, sinipa ng lalaki ang kanyang biyenan na nakakuha naman ng patalim at isinaksak dito.

Nagtamo ang biktima ng mga tama sa likod at sa ulo at isinugod sa Mauban District Hospital kung saan ito binawian ng buhay.

Kusang loob naman na sumuko sa pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More