Una sa Balita

Senegalese football player nakauwi na

By
0 13

Sa tulong ng ilang good samaritans, nakauwi na sa kanilang bansa ang 17-anyos na Senegalese football player na nabiktima ng fake news at anim na araw na nagpagala-gala sa Departure Area ng NAIA Terminal 1.

Dumating sa Manila si Moussa Kissima Samate noong Oktobre 12 sakay ng Ethiopian Airlines, inakalang totoo ang natanggap niyang invitation letter na maglalaro siya ng football sa Pilipinas. Pero walang organizer na sumundo sa kanya.

Peke pala ang imbitasyong tinanggap. Sa madaling sabi, biktima ng fake news.

Walang mapuntahan, anim na araw din siyang nagpagala-gala sa NAIA.

Isa sa nagmalasakit kay Kissima si Airport Police Officer Jaime Estrella, sinabi nitong maraming mabubuting-loob na empleyado ng Manila International Airport Authority ang nag-abot ng tulong. Ilan sa dito sina Ms. Jeenee Desiderio Garcia, Mr. Mars Ramirez at Ms. Karen Ramirez.

Nakalikom daw ng P10,000 na agad ibinayad sa re-booking fee. Ang return ticket ni Kissima ay naka-book pa sa susunod na buwan (Nobyembre). Sa first available flight ng Ethiopian Airlines ay sumakay na si Kissima pabalik ng Senegal.

Dinagdag ni Estrella na nagpahatid din ng tulong-pinansiyal ang Philippine Football Fede­ration sa pamamagitan nina Atty. Edwin Gastanes at coach Marlon Maro.

Nagbigay din ng tulong sina Miko Domingo, Carlo Domingo, Jing Domingo at isang Atty. Edison James Pagdilaw.

Maliban sa pera, may nagbigay ng jacket, medyas, t-shirt, jerseys, shorts, maong pants at pagkain.

“Mayroon pang isang foreigner mula Australia ang tumawag na nais magbigay ng tulong kay Samate na sasasagot daw sa hotel at plane ticket,” sabi ni Estrella.