Una sa Balita

Sen. Honasan sumuko sa Biñan police

By
0 6

Sumuko si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa Biñan City Police Headquarters sa Laguna matapos itong ipaaresto ng Sandiganbyan dahil sa kasong iligal na paglustay sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel noong 2012.

Sinamahan si Honasan ng kanyang abogadong si Atty. Dennis Manalo.

Iprinoseso at kinuhanan ng mug shot, blood pressure, buccal swab at finger prints ang senador bago dumiretso kay Biñan RTC Branch 25 Judge Teodoro Solis para maglagak ng piyansa.

Nilagdaan ng huwes ang release order ni Honasan matapos makapagpiyansa ng P60,000 para sa dalawang kaso.

Nag-ugat ang kaso ng senador noong 2012 nang hindi umano dumaan sa tamang procurement process ang pagpili niya sa Focus on Development Goals Foundation bilang partner NGO sa paglalabas  ng P29 million na PDAF para sa livelihood project ng Muslim communities sa Metro Manila at Zambales.

Maliban kay Honasan, ipinag-utos din ng anti-graft court ang pag-aresto sa iba pang akusado sa kaso na kinabibilangan nina Michael Benjamin at National Council on Muslim Affairs officials na sina Secretary Mehol Sadain, acting chief accountant Fedelina Aldanese, cashier Olga Galido, Giovanni Manuel Gaerlan, at Salvador Gaerlan.

Nanindigan ang kampo ng senador na wala siyang kasalanan sa dalawang kasong isinampa sa Sandiganbayan.