Una sa Balita

Segurista!

0 606

Sa isa pang pagkakataon, marami na naman ang na-hopia at umasa maging ang mga taga-suporta nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos, kaugnay sa nakabinbin nilang election protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET), na binubuo rin ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Ang naturang protesta ay isinampa ni Marcos dahil naniniwala siyang siya ang nanalong pangalawang pangulo noong 2016 elections at hindi si VP Leni.

Mahigit 260,000 boto lang ang lamang ni Leni kaya siguro ­hinayang na hinayang si Bongbong at hindi maka-move on kahit pa tatlong taon na ang lumipas at mahigit dalawang taon na lang eh presidential elections na naman.

Buweno, ilang linggo nang inaabangan kung ano ang magiging boto ng mga mahistrado sa naturang protesta ni Bongbong.

Natapos na kasi ang recount sa mga boto sa Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur, na kabilang sa mga iprinotesta ni Bongbong. Iyon ang sinasabing magiging batayan kung dapat pa bang ituloy ang pagbibilang o hindi na.

Bunga nga ng patuloy na kawalan ng botohan, nagmosyon ang kampo ni Leni na makakuha sila ng record ng ­resulta ng recount sa tatlong nabanggit na lalawi­gan at isapubliko. At nito ngang nakaraang ­Martes, kahit wala na namang botohan, nag-utos naman ang PET na isapubliko ang resulta ng recount sa tatlong lalawigan. Take note! Nadagdagan pa ng 15 libo ang kalamangan, as in talo ulit si Bongbong.

Kaya lang may dagdag pang sorpresa, inatasan ng PET ang kampo nina Leni at Bongbong na magkomento kung dapat nga bang pawalang-bisa ang resulta ng ­botohan sa bise presidente sa mga lalawigan ng ­Basilan, Lanao del Sur, at ­Maguindanao.

Ang pagpapawalang-bisa sa mga boto sa ­tatlong lalawigan sa Mindanao eh kasama rin sa hirit ni ­Bongbong dahil pa rin sa alegasyon ng dayaan. Pero pumalag dito mga tsong ang dalawang lider sa Mindanao na sina Deputy Speaker Mujiv Hataman (Basilan) at BARMM Assemblyman Zia Alonto Adion.

Giit ng dalawa, nanalo si Leni sa mga naturang lugar dahil tanging ito lang ang kandidatong naglaan ng panahon na ma­ngampanya sa tatlong lalawigan.

Sabi pa ni Hataman, marami pa ring taga-Mindanao ang hindi nakalilimot sa ginawa ng ama ni Bongbong na si dating Pangulong Marcos Sr., na nagdeklara noon ng martial law at hindi rin nito inaksyunan ang Bangsamoro Organic Law noong senador ito at pinuno ng komite na namamahala sa natu­rang panukalang batas.

Sabi ng isa ­nating kurimaw, parang ­mahirap na pagbigyan ang hirit na balewalain ang mga boto sa Basilan, Lanao del Sur, at Maguindanao. Kung papatulan daw ng mga mahistrado ang argumento na nagkaroon ng dayaan, posible ring isipin na nagkaroon ng dayaan sa mga boto ng pangu­lo, mga senador, at mga party-list group na kasama sa mga itinuturing ibinoto sa nasyunal.

Hindi na bale ang boto sa pangulo dahil hindi naman makakaapekto ang mga boto ng tatlong lalawigan sa mga naglaban sa panguluhan. Gayundin sa party-list group dahil tatlong taon lang ang termino nila at katatapos lang ng May 2019 elections, pero ang mga senador na nanalo noong 2016 na anim na taon din ang termino, aba’y nakaupo pa sila hanggang ngayon. At kung mahigit 600,000 ang pinag-uusapang boto sa ­tatlong lalawigan, aba’y puwede rin ka­yang mag-iba ang nanalong ­senador huling dalawang ­puwesto?

Kaya bukod sa kung ibabasura na o hindi ang protesta ni Bongbong, aabangan din natin kung may karapatan ba ang mga mahistrado na magbasura ng mga boto. Sabi kasi ng ibang eksperto, tanging ang Comelec lang dapat magpasya nito alinsunod sa batas. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy