Una sa Balita

Seguridad sa trabaho

By
0 143

Marahas po ang dispersal sa mga manggagawang nag-piket sa NutriAsia sa Bulacan habang patuloy pa rin ang protesta ng mga tinanggal na empleyado ng PLDT sa Mandaluyong City.

Sa ginawa pong inspeksyon ng DOLE, natuklasang sangkot sila sa ‘labor-only contracting’ o pag-kontrata sa mga trabahong esensiyal sa produksyon ng kompanya.

Isa po sa mga apek­tadong manggagawa ay ang Bulakenyong si Jornell Quiza, 28, agency-hired at kontraktwal sa NutriAsia mula pa noong 2010.

Kuwento po niya, kahit minsan sa loob ng walong taon ay hindi man lang daw po siya nakatanggap ng salary adjustment.

Ang masaklap, kahit daw po uniform o protective gear ay siya pa ang nagbabayad at kung minsan ay mahigit 12-oras siyang nagtatrabaho para lang maging sapat ang kanyang sweldo.

Ang mga kagaya po ni Jornell ay walang seguridad sa trabaho o security of tenure at wala rin silang natatanggap na mga benepisyo at social protection.

Taon-taon, paulit-ulit lang po ang mga kasong katulad ng nangyayari sa Nut­riAsia at PLDT. Sa katunayan, lalo pa nga pong tumindi ang problema sa kabila ng pagpapatupad ng mga bagong polisya ng DOLE tulad ng DO 174.

Ang kawalan po kasi ng ngipin ng ating Batas Paggawa o Labor Code ang dahilan kung bakit hirap ang pamahalaang ipatigil ang endo o pang-aabuso sa kontraktwalisasyon. Wala pong parusang nakasaad sa kasalukuyang batas.

Humigit kumulang 1.9-milyon po ang mga kontraktwal sa bansa at malinaw po ang panawagan ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA: magpasa ng batas ang Kongreso para tapusin na ang pang-aabuso sa kontraktwalisasyon.

Ang pag-amyenda po sa Labor Code ay magbibigay seguridad sa trabaho na siyang pinakapuso ng Senate Bill 1826 o ang ‘Security of Tenure Bill’ na atin pong sinusulong sa Senado.

Ngayong linggo, ii-i-sponsor po natin ang SB 1826 at naniniwala po tayong nagkakaisa ang buong Senado sa layuning matuldukan ang pang-aabuso katulad ng endo at naka­handa ring tumugon sa panawagan ng Pangulo sa kanyang SONA.

Sinumite rin po natin ang Senate Resolution 810 para ipatawag ang mga kompanyang sangkot sa labor-only contracting at kung saan tutukuyin po natin ang mga problema sa kasalukuyang polisiya at bibigyang-diin ang mga solus­yong inihahain natin sa SB 1826.

Sa mga employer, hindi po anti-business ang ‘Security of Te­nure Bill’. Ang paglilisensya po ay garantiya ng gobyerno na lehitimo, maayos at may expertise na job contractor.

Gagawin rin nitong patas ang pagne­negosyo dahil hindi po papayagan ang pang-aabuso katulad ng paggamit ng ENDO at higit sa lahat, malinaw ang regulasyon at walang malawak na diskresyon ang DOLE.

Job Fair Schedule

August 10

LGU-Jabonga Job Fair
Municipal Hall, Jabonga, Agusan Del Norte

August 10

PESO-Davao Job Fair
Sangguniang Panlunsod, Davao City

August 10

San Jose City 49th City Day Job Fair
West Central School, Brgy. Don Canuto Ramos
San Jose City, Nueva Ecija