Una sa Balita

Seguridad sa trabaho, pasado na sa Senado!

0 508

Isang masayang balita: Pumasa na sa pangatlo at panghuling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1826 o ang tinatawag na “Security of Tenure Bill” na nagsusulong sa mas pinalakas na karapatan ng mga manggagawa—ang itinuturing nating backbone ng ating ekonomiya.

Noong binubuo namin ang panukalang ito sa Senado, ang prayoridad namin ay ang kalagayan at kinabukasan ng mga ordinaryong Pilipinong manggagawa. Malaking usapin sa buong bansa ang isyu ng trabaho at kita. Sa datos ng International Labor Organization (ILO) noong 2016, mayroong mahigit 40 million na Pilipino ang nasa sektor ng paggawa. Tinatayang 7 million dito ay mga kontraktuwal.

Malaking banta ang ‘endo’ sa kalusugan ng mga manggagawa dahil sa kawalan ng insu­rance mula sa kanilang pinapasukang kom­panya. ‘Pag kontraktuwal, walang emplo­yee-employer relations na tinatawag. Walang insurance. Walang benepisyo.

Sa mga manggagawa na gumagamit ng kemikal sa kanilang trabaho, mas malaki ang tsansa nila na makakuha ng matinding karamdaman. Ang masakit dito, bago pa man lumitaw ang sakit na dala ng kanilang trabaho ay ‘endo’ na. Hindi katu­lad ng mga regular na empleyado, may health insurance mula sa kompanya kapag nagkasakit. Bukod dito, ang mga kababaihang manggagawa, mahirap na nga makakita ng disenteng trabaho, pag nabuntis pa ay siguradong unang na-eendo. Wala na nga silang health benefits, tanggal pa sa trabaho kasi ‘endo’.

Sa mga kontraktuwal naman sa gobyerno, iyong mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS), kadalasan ay mga walang health coverage at insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS) sapagkat ito ay para lamang sa casual at regular na mga empleyado. Nagtatrabaho sila nang parang permanente na walang karampatang benepisyo. Kadalasan pa, delayed ang suweldo.

Ang panukalang pinasa sa Senado nitong Miyerkoles lamang ay magbabawal sa tinatawag na labor-only contracting sa bansa mapapribado man o sa gobyerno. Sa bersyon ng bill sa Senado, magkakaroon ng maayos na klasipikasyon ang pagkuha sa mga manggagawa:

Regular, probationary, project at seasonal na mga empleyado. Tinatama nito ang kasalukuyang baluktot na praktis na nagkakaroon ng tinatawag na “misclassification” sa mga manggagawa para hindi sila mabigyan ng regular na status ng kanilang employer.

Ang Senate Bill 1826 ay ang substitute bill ng mga pinagsama-samang batas tungkol sa seguridad ng trabaho para sa mga Pilipino. Bilang principal na may akda ng Security of Tenure Bill na aking isinumite sa Senado noong Hunyo 30, 2016, tinulak natin ang paghinto ng mapang-abusong kalakaran sa sektor ng paggawa. Dapat ng mahinto ang abusadong kultura ng ‘endo’ na ito.

Hihintayin na lang natin ang bicameral confe­rence committee mee­ting na kung saan ang mga delegado ng House of Representatives at Senado ang magpaplantsa at magpipinal ng panukala upang maisumite sa Malakanyang para mapirmahan ng Presidente.

Ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino ay dapat na ipaglaban. Sila ang nagpapaikot ng ating ekonomiya at ang nagbibigkis ng ating komunidad. Sila ay dapat pahalagahan at bigyan ng karampatang benepisyo at pangangalaga. Ipaglaban natin sila.

****
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy