Una sa Balita

Seguridad sa trabaho: Karapatan ng manggagawa

0 598

Pumasa na po sa huli at ikatlong pagbasa ang ating panukalang batas, Se­nate Bill 1826, na nag­lalayong tuldukan ang pang-aabuso sa kontraktwalisasyon tulad ng endo.

Solusyon po ito sa kawalang seguridad sa trabaho o security of tenure sa tinatayang 1.9 na milyong kontraktwal na mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ipinagbabawal po sa ating panukalang batas ang ‘labor-only contrac­ting’ na siyang numero unong behikulo ng endo sapagkat labag po ito sa karapatan ng ating mga manggagawa.

Kailangan na rin pong kumuha ng lisensya ng mga job contractors sa DOLE para mas makatiyak po tayong sumusunod sila sa batas lalo na ang pagbabayad ng social welfare contributions ng kanilang mga empleyado.

Sa ating panukala, apat po ang klasipikasyon ng mga manggagawa: regular, probationary, project at seasonal employees kung saan hindi po sila maaaring matanggal sa trabaho maliban sa mga just at authorized causes.

Dahil dito, mabibigyan po natin ng ‘peace of mind’ ang ating mga manggagawa dahil alam nilang hindi sila basta-basta matatanggal sa trabaho o mayroon silang tiyak na babalikang trabaho.

Sa bahagi po ng ating mga manggagawa, ang kawalan ng seguridad sa trabaho o kabuhayan ang isa po sa malaking pagkakaiba ng kontraktwal at regular.

Ang mga kontraktwal tulad po ng mga endo workers ay palagiang ‘new employee’ sa iisa o iba’t ibang employer at hindi nakakatanggap ng mga benepisyo, at walang social protection.

Sa bahagi naman po ng negosyo, hindi po patas at anti-competition po ang endo. Ang iba ay kumikita sa pamamagitan ng paglabag sa labor code habang ang mga sumusunod sa batas ay lugi at kawawa.

Ang mas makataong pagtrato po sa ating mga manggagawa at pamamalakad ng ating mga negosyo ay nakakatulong sa husay at pagiging produktibo ng ating mga negosyo at ekonomiya.

Maraming mga pag-aaral na po ang nagsabing kapag may seguridad sa trabaho ang manggagawa, mas produktibo siya sa trabaho.

Para sa mga mamumuhunan, wala pong dagdag na benepisyong ipapataw maliban sa pagsunod sa matagal nang itinatakda ng batas katulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.

Ang pagtuldok po sa endo ay pagpapatibay sa itinatadhana ng ating Konstitusyon kung saan nakasaad sa Section 3 ng Article 13 na may karapatan ang mga manggagawa sa kaseguruhan sa trabaho.

Dadaan po ang ating panukalang batas sa Bicameral Conference Committee upang itugma ito sa bersyon ng Kamara at kapag naaprubahan, iaakyat po ito sa Malacañang para sa lagda ng ating Pangulo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy