Una sa Balita

Sean, Kai, Batang Gilas ibubulsa ang World Cup U19

By
0 1,040

PIPILITING ibulsa ng Chooks-to-Go Batang Gilas ang isa na namang bagong kasaysayan matapos lumapit sa isang panalo na lang para makatuntong sa unang pagkakataon makalipas ang 39-taon sa FIBA World Cup Under-19 sa agad na pag-usad sa quarterfinals ng ginaganap na FIBA U18 Asian Championships sa Thailand.

Huling ginulat ng Batang Gilas ang 11 beses tinanghal na kampeon na China sa pagtala ng maigting na 73-63 panalo Martes nang gabi upang mawalis ang kinabibilangang Group B at agad na makasiguro ng quarterfinal slot sa kada dalawang taong torneo na isinasagawa sa Nonthaburi Stadium.

Taong 1979 pa noong hu­ling nakasampa ang Pilipinas sa World Cup ng Under 19. Katatapos lang nitong itala ang pinakamataas na naabot na puwesto sa FIBA Asia U18 Championships sa pagtapos sa ika-13 na silya.

Dinomina ng national youth squad ang buong laro kung saan nagawa pa nitong itala ang pinakamalaking abante, 51-33, bago na hinayaang maghabol ang mga Chinese na nagawang dumikit sa anim na puntos na ungos sa 65-59 sa huling 2:21 minuto ng laro bago tuluyang iniuwi ang ­importanteng panalo.

Binuhusan ni point guard Dalph Panopio ng isang  jumpshot sa 1:37 minuto ng laro ang paghahabol ng mga Chinese bago nagpamalas ng depensa sina Kai Sotto at AJ Edu sa magkasunod na block shot upang ipreserba ang panalo.

Isang araw na nagpahinga kahapon ang Batang Gilas, na malaki rin ang nakuhang tulong kay Sean Dave Ildefonso, habang hinihintay ang makakasagupa sa knockout quarterfinals na sisimulan ngayong hapon.