Una sa Balita

Seaman kulong sa taas-presyong alcohol

0 454

Isang seaman ang inaresto ng pinagsanib na operatiba ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Guiginto police sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Trade Industry (DTI) makaraang magbenta ng overpriced alcohol sa isinagawang entrapment operation sa Maharlika Highway, Barangay Tabang, Guiginto, Bulacan kamakalawa ng tanghali.

Base sa report ni P/Major Rito I. Sebuala, chief ng Bulacan CIDG, kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang suspek na si Randy Paguia y Betonio, 36-anyos, seaman at nakatira sa Barangay Panginay, Balagtas na nakapiit ngayon makaraang makorner sa entrapment operation ng awtoridad.

Bandang alas-11:30 ng tanghali nang magkasa ng operasyon ang Bulacan CIDG sa supervision ni P/Major Sebuala at Guiginto police sa pangunguna ni P/Major Rolando Geronimo, Guiginto police chief at kinatawan ng DTI. Target nila ang suspek na si Paguia na nagbebenta ng mataas na halaga ng alcohol na lagpas sa presyong itinakda ng DTI kaya nagsagawa ng entrapment sa Barangay Tabang, Guiginto.

Nabatid na isang pulis ang nagkunwaring bibili ng alcohol sa suspek sa pamamagitan ng online transaction at umorder ng 35 gallons ng isoprophyl alcohol sa halagang P700 kada gallon.

Matapos magkasundo ay isinagawa ang transaksyon sa Maharlika Highway at hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng awtoridad dahil sa overpriced na halaga ng alcohol.

Nakumpiska sa suspek ang 35 gallon ng unbranded 70% isoprophyl alcohol na nagkakahalaga ng P24,500, isang orihinal na P500 bill at 24 piraso ng P1,000 bill boodle money na ginamit sa entrapment operation.

Nasa kustodiya ngayon ng Bulacan CIDG ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal sa Provincial prosecution office sa Malolos City. (Jun Borlongan)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More