Una sa Balita

SEA Games finale p2m kada minuto

0 444

TUMATAGINTING na P26.5 milyon ang magiging talent fee ng American music group na Black Eyed Peas sa kanilang pag-perform sa closing ceremonies ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas.

Kaya naman pumuputok ang butse ng mga tao dahil lalabas na P2 milyon kada minuto ang babayaran ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) ni Speaker Alan Peter Cayetano sa 12 minutong performance ng grupo sa finale ng SEA Games sa New Clark City sa Tarlac.

Sa New Clark City din matatagpuan ang kontrobersyal na stadium cauldron na binansagang “kalderong ginto” na ginastusan ng P55 milyon para maitayo. Ang stadium ay pinatayo ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na ang president at CEO na si Vince Dizon ay minsan na­ging consultant ni Cayetano sa Senado.

Aabot sa P73 milyon ang gagastusin ni Cayetano para sa talent fees ng mga artist at iba pang performer para sa opening at closing ceremonies ng SEA Games.

Habang napakamahal ang talent fee ng Black Eyed Peas na hindi pa kasama si Fergie, ang world-class Filipina singer at aktres na si Lea Salonga na siyang kakanta ng SEA Games these song, ay babayaran ng P1.425 milyon, habang ang award-winning composer na si Ryan Cayabyab na siyang gumawa ng these song, ay mabibigyan naman ng P1.4 milyon.

Ang talent fees ay bahagi ng P1.515 bilyong budget na binigay ng Philippine Sports Commission sa Phisgoc. Hindi dumaan sa bidding ang lahat ng gastusin dito.

Sa kabila nito, pinagtanggol pa rin ito ni Cayetano at sinabing dadaan naman ito sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA).

Duterte kumampi kay Cayetano

Nakakuha naman ng kakampi si Cayetano matapos bigyang-katwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginastos sa cauldron na gagamitin sa SEA Games na nagkakahalaga umano ng P55 milyon.

Sinabi ng Pangulo na kinomisyon ang isang National Artist para gawin ang cauldron at ito ay produkto ng utak kaya walang korapsiyon sa ganitong obra maestra.

“You know, there can never be corruption in that situation because you commissioned a national artist. Ito si Mañosa was commissioned by the government to create ‘yung nakita mo ‘yung kaldero ngayon. It is a product of the mind. You cannot estimate how much nalugi ka because it is the rendition of the mind of the creator,” anang Pangulo.

Hindi aniya dapat ikumpara ni Senador Franklin Drilon ang halaga ng ginamit sa cauldron at sa ipinatayo nitong coliseum sa Iloilo City dahil ang binayaran dito ay ang utak ng national artist samantalang ang ginastos ng senador para sa kanyang lugar ay pera ng taumbayan.

“Ilang kilometro magagawa sa presyo sa coliseum ni Drilon? Is it used everyday? Well, if it is used and ma­king money, fine. So how big is big?

Magsabi ka na ilang eskuwelahan na ang magawa niyan. Eh ‘yang coliseum mo ilan ring kilometrahe ang magawa niyan? Susmaryosep,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang cauldron ay dinisenyo ni National Artist for Architecture Francisco ‘Bobby’ Manosa na ayon kay Cayetano ay nagkakahalaga ng P7 milyon suba­lit kailangan ang P18 milyon para sa tuloy-tuloy na pagsindi nito ng apoy sa loob ng 11 araw hanggang sa matapos ang SEA Games.

Pero iginiit ni Senador Drilon na ang halaga ng cauldron ay P55 mil­yon. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy