Una sa Balita

Scholarship para sa Education student

By
0 625

Sa mga batang mag-aaral, dabest ang kanilang mga teacher. Idol nga kung maituturing dahil malaki ang impluwensiya ng mga guro sa kanila.

Tagos sa isip at puso ng mga bata ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ng kanilang mga teacher. Bukod sa kanilang magulang, sila ang nagsisilbing inspirasyon at taga-payo sa edukasyon at maging sa personal ng buhay. Kung ano ang kanilang mga itinuro sa maagang edad ay madadala nila ito sa kanilang paghaha­napbuhay, pagtataguyod ng pamilya, hanggang pagtanda.

Ngunit, hindi kaila ang kakulangan sa populasyon ng ating mga guro sa bansa. Base sa isang ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), hindi nakamit ng Pilipinas ang taong 2015 na mai-target ang “Millenium Development Goals of Education for All,” kung saan isa sa mga pangunahing layunin ng bansa ay lubos na mapabuti ang kalidad ng edukasyon.

Sa aking pagbisita sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa, kapansin-pansin ang kakaunting bilang ng mga guro kumpara sa patuloy na tumataas na bilang ng mga estudyante, lalong-lalo na sa malalayong probinsya.

Para makamit ito, kinakailangang masugpo ang anumang kakula­ngan sa sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat at magagaling na guro, lalo na sa mga liblib at malalayong lugar sa ating bansa.

Ito ang naging motibasyon ng inyong lingkod para isulong sa Senado ang Senate Bill No. 906 o Teacher Education Scholarship Program na naglalayong magbigay ng scholarship grants sa mga estudyanteng gustong mag-enrol sa kursong Bachelor of Arts o Bachelor of Science in Education at makapagbigay ng incentives sa mga estudyante para kumuha ng karera sa pagtuturo sa mga paaralan na nakatalaga sa kanilang tinitirahang probinsya.

Maaaring magpasa­ ng aplikasyon ang sinumang nakapagtapos ng sekondaryang edukasyon sa pampribado o pampublikong paaralan. 10 scholar sa bawat probinsya kada taon ang mapipili na makakuha ng nasabing programa.

Pagkakalooban naman ang mga kuwalipikadong mag-aaral ng full time na four-year scholarship at pagkakataon na ma-empleyo sa kanilang lugar kapag nakatapos. Libre ang kanilang matrikula, itinakdang aklat, supplies, equipment, damit at uniform allowance, at iba pang school fee.

Kapag naisabatas ito, malaki ang magiging tulong nito upang mapunan ang kasaluku­yang kakulangan sa bilang ng mga guro dahil mas marami ang ma-eengganyong tahakin ang kanilang napiling karera sa larangan ng pagtuturo. Higit sa lahat, mahahasa ang kakayahan ng mga guro na magturo sa mga bata dahil sila ay nakapagtapos ng Edukasyon kung saan tiyak na agad ang kanilang kauna-una­hang trabaho!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy