Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Scammer ng Abogado ni BongBong buking sa Bilibid

0 150

Natunton sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang peke at nagpapanggap sa social media bilang si Atty. Vic Rodriguez na taga­pagsalita ni presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) natukoy ang modus ng suspek na si Ryan Ace Castillejos matapos madakip ang kasabwat umano niya na si Caseilyn Dela Cruz, 31-anyos at residente ng 1018 Morales St., sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan noong Abril 18. Si Dela Cruz ang umano’y tagakuha sa mga nakukulimbat ng suspek sa kanyang pagpapanggap.

Ikinanta umano ni Dela Cruz sa mga awtoridad na bukod kay Rodriguez, nagpanggap din umano si Castillejos bilang sina Philippine National Police (PNP) officer in charge Vicente Danao Jr., at Liza Araneta Marcos na asawa ni BBM.

Sa notebook na nakumpiska sa selda ni Castillejos, nakalista rito ang pangalan ng panganay na anak nina BBM na si Sandro Marcos kasama sina dating Vice President Jejomar Binay, Customs Commissioner Rey Guerrero at Pasig City Mayor Vico Sotto.

Modus umano ng mga suspek na magpanggap at pagkatapos ay humingi ng pera mula sa mga supporter ni Marcos para umano sa mga biktima ng kalamidad. Pati umano sina Rodriguez at Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio Evangelista ay tinangkang hingan ng P120,000 ng mga suspek para sa mga programa ni Marcos.

Samantala, bukod sa notebook na may listahan ng mga pangalan, nakumpiska rin sa selda ng suspek ang isang cellphone, cellphone storage at ilan pang notebook. Walang nakitang simcard ang cellphone pero naniniwala ang mga tauhan ng NBI na naitago ito ng suspek lalo’t walang wifi signal sa loob ng kulungan.

Iniimbestigahan na ng NBI kung paano nakalusot ang cellphone ng suspek sa loob ng bilibid. (Betchai Julian)

Leave A Reply

Your email address will not be published.