Una sa Balita

SC sinugod ng mga tagasuporta ni VP Leni

0 478

HINDI man natalakay ang poll protest nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos na may kinalaman sa resulta ng Vice Presidential Elections noong 2016, sumugod pa rin sa harap ng Korte Suprema ang mga tagasuporta ng bise presidente.

Ito ay habang idinaraos ang en banc session ng mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na nagsisilbi ring mga miyembro ng Presidential Electoral Tribunal (PET).

Bitbit ang mga tarpaulin at streamer, pinangunahan ng Bantay Nakaw Coalition ang paghahayag ng suporta kay Robredo.

Nakalipas na linggo ay naisumite sa PET ng member-in-charge sa kaso na si Associate Justice Benjamin Caguioa ang resulta ng recount at revision ng mga balota sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni Marcos sa protesta laban kay Robredo.

Ito ay ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental na naglalaman ng 5,415 clustered precinct na hindi naman naaksyunan agad ng PET.

Matatandaang pinaalalahanan din ng PET ang magkabilang partido na umiiral pa rin sa kaso ang sub judice rule base sa reso­lusyon na inilabas ng PET noong February 13, 2018 at March 20, 2018.

Ang resulta ng recount at revision of ballots sa tatlong pilot provinces ang bata­yan kung dapat bang umusad ang poll protest ni Marcos at kung kakailanganin pang bilangin ang mga balota mula sa nala­labing mahigit 30,000 protested clustered precinct.

Inaasahan umanong muling matatalakay sa en banc ang kaso sa darating na October 1. (Lorraine Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy