Una sa Balita

SC hugas-kamay sa GCTA

0 324

KASUNOD ng mga batikos na ibi­nabato sa posibleng paglaya ni da­ting Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez, nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito iniutos sa kanilang ru­ling ang paglaya ng dating alkalde.

Sa isang pulong balitaan, iginiit ni Supreme Court Public Information Office Spokesman Atty. Brian Hosaka, na ininterpret lamang ng Kataas-taasang Hukuman ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592 salig ang pinalawig na good conduct time allowance na iginagawad sa mga bilanggong nagpakita ng ma­buting asal at performance sa loob ng selda.

Paliwanag pa ni Hosaka, hindi nanggaling sa Korte Suprema ang polisiya at panuntunan ng pagpapalawig sa Good Conduct Time Allo­wance (GCTA) dahil ito ay orihinal aniya na nagmula sa batas na ipinasa ng Kongreso noong 2013.

Wala ring hurisdiksyon ang Korte Suprema, ayon kay Hosaka sa pagpapatupad ng naturang batas dahil malinaw umano na nasa kamay ng executive branch ng gobyerno ang pag implement sa RA 10592.

“Like all laws, it is to be implemented and executed by the executive branch of government,” aniya.

Noong Hunyo 2019, nagdesis­yon ang Korte Suprema na ipatupad ang batas bilang retroactive matapos ang tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa probisyon ng naturang batas na nagsasabing pros­pective ang application ng bagong patakaran sa paggagawad ng GCTA.

Napurnada ang paglaya Samantala, napurnada ang posibilidad na makalabas ng bilangguan si convicted murderer-rapist Sanchez matapos ihayag ng Malacañang na hindi ito kuwa­lipikado para mapabilang sa mga palalayain sa kulungan sa ilalim ng GCTA law.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mayroong probisyon sa Republic Act 10592 na hindi kasama sa mga mapapalaya ang mga presong nahatulan dahil sa karumal-dumal na krimen.

BuCor sablay Mistula namang ipinagtanggol ng kalihim ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na nagkuwenta sa inilagi ni Sanchez sa loob ng pambansang piitan at baka aniya hindi nila napansin ang probisyon ng batas na hindi kasama ang mga may nagawang karumal-du­mal na krimen. (Aileen Taliping/Prince Golez/Anne Lorraina Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy