Una sa Balita

SBP natauhan: Guiao pinalitan si Reyes sa Gilas

0 1,056

HAHAWAKAN rin ni coach Yeng Guiao ang Gilas Pilipinas sa next window ng FIBA World Cup Asian qualifiers.

Inihayag ito mismo ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio Lunes habang nasa Jakarta, Indonesia upang suportahan ang Team Philippines na sasabak ngayong araw kontra China sa pagpapatuloy ng 18th Asian Games.

Haharapin ng Gilas Pilipinas ang Iran sa Setyembre 13 at ang Qatar sa Setyembre 17.

Bahagi pa rin ng Gilas sina Gabe Norwood, June Mar Fajardo at Baser Amer, na mga natatanging player na hindi sinuspende ng FIBA dahil sa rambulan ng Pilipinas at Australia Boomers sa Philippine Arena noong Hulyo 2.

Ang orihinal na coach ng Gilas na si Chot Reyes ay mayroon ding ­one-game suspension mula sa FIBA dahil sa partisipasyon nito sa July 2 melee.

Ayon sa ilang source ng Abante/Tonite na ayaw magpabanggit ng pangalan, maaaring tuluyan nang masibak si Reyes bilang head coach ng Gilas sa hakbang na ito ng SBP.

Ang assistant niyang si Jong ­Uichico, mayroon namang tatlong larong suspensiyon.

“We advised Coach Yeng last night, and he has of course accepted it para sa bansa,” saad ni Panlilio sa report na inilabas ng ABS-CBN.

“He’s committed to also coach the next window.”

Gagawing closed door ang home game ng Gilas kontra Qatar bilang bahagi pa rin ng sanction na ipinataw ng FIBA.