Una sa Balita

Save Boracay, save jobs

By
0 1,205

Nakataya po ang sustenableng pag-unlad ng turismo sa Boracay sa pagrespeto ng mga establisyimentong komersiyal sa ating mga batas pangkalikasan tulad ng “Clean Water Act” at “Solid Waste Management Act”.

Klarong kagagawan po ng mga tao ang pagdumi ng tubig-dagat sa Boracay. Ang ugat ng problema: kawalan ng Environmental Compliance Certificate o ECC at business at building permits.

Kung pinatutupad lang ng DENR at lokal na pamahalaang nakakasakop sa Boracay ang naturang mga batas, hindi po sana nangyari ang problema sa Boracay.

Kaya’t dapat pong managot ang mga nagtayo ng mga iligal na istruktura sa isla gayang Boracay West Cove Resort. Ang paglalagay nito ng istrukura sa tuktok ng mga natural na pormasyon ng bato ay klarong paglabag sa Forest Land Use Agreement for Tou­rism Purposes o FLAgT.

Kaugnay nito, sa 834 bilang ng mga establisyimentong nagtatapon ng wastewater sa Boracay, 118 lang ang may discharge permit. Ibig sabihin, 716 ang mga establisyimentong hindi awtorisado.

Pagpapabaya din po ang nakikita nating dahilan kung bakit lima sa siyam na mga wetland sa Boracay o iyong mga lugar na sumasalo sa tubig-ulan para maiwasan ang pagbaha ay napatayuan na po ng mall, hotel at mga illegal settler. Kailangan pong bawiin ang mga wetland.

Kapag nilapastangan ang dagat dahil sa polusyon at hindi nakontrol ang pagdagsa ng mga tao na lampas sa kakayahang magdala ng isla, masasakripisyo ang turismo at maaaringmakaapekto ito sa trabaho ng ating mga kababayan. Ayon sa Boracay Foundation, Inc. may 90,000 mga manggagawa sa Boracay.

Bagama’t tila hindi naman po kailangan ang commercial shutdown, dapat maghanda na sa anumang pwedeng mangyari ang DOLE, TESDA, DOT at iba pang ahesya para tiyaking mananatiling produktibo ang mga maapektuhang manggagawa.

Noong isang taon, umabot sa P56B ang pumasok sa bansa dahil sa pagbisita ng mahigit 2-milyong turista sa Boracay. Sa laki po ng kontribusyon ng Boracay sa ating ekonomiya, kailangan ang maayos na koordinasyon ng ating mga ahensya.

Tunay, apektado po ang negosyo at trabaho kapag pinabayaan o inabuso natin ang kalikasan.

Isalba po natin ang Boracay sa polusyon, gayundin ang iba pang mga pangunahing destinasyon tulad ng Coron, Siargao at Samal, upang magtuloy-tuloy ang kabuhayan at trabaho ng ating mga kababayan.

Job Fair Schedule
11th Bulawan Festival Job Fair
Capitol Grounds, Cabidianan, Nabunturan, Comval Province
March 5
Island Garden City of Samal Job Fair, Samal Cultural Gymnasium, Penaplata, Samal
March 5
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)