Una sa Balita

Saudi OFW sinaluduhan sa mga pangaral

0 650

Naging viral sa social media ang open letter ng isang overseas Filipino worker (OFW) laban sa mga taong walang pagpapahalaga sa ibi­nibigay ng mga tulad niyang nagpapakahirap sa trabaho sa ibang bansa.

Ipinost ni Raymond Lopez ang mga hugot niya sa Facebook dahil kapag uuwi umano ng Pilipinas ang mga OFW, tila mas importante para sa pamilya, kaibigan o kakilala, ang bitbit nilang pasalubong.

“Minsan, nakakadala talagang magbigay ng pasalubong kapag nagbabalikbayan ka. Bigyan mo man sila o hindi, meron at meron silang masasabi sa’yo, na kesyo ‘ito lang?’, ‘nagbigay ka pa!’, ‘kuripot naman’, ‘yan ba ang abroad?’, ‘tatlong taon sa abroad heto na ‘yun?’” kuwento ni Lopez sa FB.

Binigyang-diin pa ni Lopez na hindi naman obligasyon ng mga OFW na mamahagi ng regalo o magbigay ng pera kapag umuuwi sa bansa.

“Una po sa lahat, hindi po nagbabalikbayan ang isang OFW para bigyan o pasalubugan kayong lahat. Walang obligasyon ang isang OFW na bigyan kayo ng tsokolate, sabon, pabango at kung ano-ano pa,” paliwanag pa niya.

“Umuuwi ang isang OFW hindi para magregalo, mamigay o magpamudmod ng kung ano. Umuuwi sila para pansamantalang makapagpahinga, makapaglibang at makasama ang kani-kanilang pamilya’t mahal sa buhay,” dagdag pa ni Lopez.

Binanggit pa ni Lopez na dapat umanong pahalagahan ng mga tao ang pasalubong ng OFW dahil puhunan nila ang hirap at sakripisyo ng pagtatrabaho sa malayong bansa.

“Matuto po sana kayong magpa­salamat o makuntento, dahil kahit papaano’y naabutan at naalala kayo nu’ng tao,” pangaral pa ng OFW, na nakabase sa Riyadh, Saudi Arabia.

Umani naman ng maraming like ang pangaral ni Lopez sa social media.