Una sa Balita

Sasabak sa Olympics aabot ng 20 – Araneta

0 239

OPTIMISTIKO si Philippine Football Federation (PFF) at 2020 Tokyo Olympics chef de mission Mariano “Nonong” Araneta na malalampasan ng Pilipinas ang huling 15 bilang ng mga pambansang atleta na nakapagkuwalipika para sa susunod na kampanya ng bansa sa 2020 Tokyo Olympics.

Sinabi ni Araneta matapos na dumalo nakaraang Linggo sa 2020 Tokyo Olympics Chef de Mission meeting sa Japan na “within striking distance” ang mga pambansang atleta na nasa world ranking at nakahanay sa mga ginaganap na iba’t-ibang Olympic qualifying events.

“I am very positive that malalampasan natin ang last number natin sa Olympics na 15. We hope na sana umabot tayo sa 20 para we have a good chance of winning the most medals in one edition of the Olympics,” sabi ni Araneta.

Matatandaan na huling nagwagi ng medalyang pilak si Hidilyn Diaz ng weightlifting upang sagipin ang delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng 15-katao sa paglahok nito noong 2016 sa Rio De Janeiro Olympics.

Bilang chef de mission ay inalam ni Araneta ang kasalukuyang ranking ng bawat Pilipinong atleta na posible na agad makapagkuwalipika at direktang makatuntong base sa kasalukuyang puwesto at kailangan na bilang para sa universality rule ng kada apat na taong torneo.

Una nang direktang nakapagkuwalipika ang pole vaulter na si Ernest John Obiena sa prestihiyosong torneo matapos malampasan ang standard qualifying height na 5.80 metro sa nalundag nitong bagong personal best at Philippine record na 5.81 metro sa Salto Con L’asta In Piazza Chiari 2019 sa Chiari, Italy.

Kasalukuyan naman sasabak ang siyam-katao na Philippine Weightlifting Team sa 2019 International Weightlifting Federation World Weightlifting Championships sa Pattaya, Thailand na sisimulan sa Setyembre 18 hanggang 27.

Umaasa si Araneta na maliban sa universality at bilang top rank athlete sa rehiyon kada sports, makakalusot din ang mga pambansang atleta alinman sa taekwondo, boxing, golf, judo, skateboarding at canoe-kayak. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy