Una sa Balita

Sariling bahay at lupa pangarap nating lahat

By
0 599

Magandang buhay po sa ating lahat. Bago ko po buksan ang unang pitak ko sa pahayagang ito, nais ko munang magpa­salamat sa pamunuan ng Abante sa pagkakataong ito na maging bahagi ng kanilang layunin na makapaghatid sa inyo ng mga impormasyon sa abot ng aking kaalaman at kakayahan.

Umaasa po ako na sana ay makatulong din ang inyong lingkod sa pagbibigay-linaw sa ilang isyu na nanga­ngailangan ng atensyon ng mga kinauukulan, lalo ng ating pamahalaan.

Siyempre pa, na­ngunguna sa mga isyu ito ang usapin sa pabahay. Kasi po, simple lang ang pangarap ng bawat Pilipino para sa kanilang pamilya: ang magkaroon ng sariling bahay at lupa.

Bukod sa edukasyon, ang sariling bahay kasi ang isa sa tanging maipapasa natin sa ating mga anak pagdating ng araw.

Sa totoo lang, ang kawalan ng murang pabahay ay problema sa pagpapaunlad ng isang bansa. Ginagawa nating basehan ang tagumpay sa buhay ng isang tao ng ayon sa kakayahan niya na magkaroon ng sariling bahay.

Sa ginawang survey ng Ambisyon 2040 ng National Economic and Development Autho­rity (NEDA), lumilitaw na 80 porsyento ng mga Pinoy ay nanga­ngarap ng simple pero komportableng buhay, yung may matatag na trabaho, may sariling sasakyan at magkaroon ng sariling bahay.

Kinatigan ito sa resulta ng ginawang survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng committee on housing and urban development ng House of Representatives dahil lumalabas na 99 porsyento ng mga Pinoy ay naniniwalang importanteng magkaroon sila ng sariling bahay para sa kanilang pamilya.

At para makamit ito, tungkulin ng ating pamahalaan na kumilos para tiyakin ang paglago ng ating ekonomiya ng sa ganun ay maramdaman ng mga karaniwang Pinoy na umaangat din ang kalidad ng kanilang pamumuhay.

Ang una sa mga dapat tutukan ng gobyerno ay ang mga programang-pabahay para sa mga karaniwang pamilyang Filipino dahil nakalulungkot na karamihan sa ating mga kababayan ay walang kakayahan na makabili ng sarili nilang bahay.

Sa pagtaya ng Hou­sing and Urban Deve­lopment Coordina­ting Council (HUDCC), lolobo ng hanggang 6.8 milyon ang pa­ngangailangan ng mga Pinoy sa pabahay pagsapit ng 2022.

Bakit nga ba mailap pa rin sa mga Pinoy na magkaroon ng sari­ling bahay sa kabila ng mga housing program na inilulunsad ng gobyerno?

Ang sagot po: hindi po kasi tugma ang halaga ng mga programang pabahay na iniaalok ng pamahalaan sa kakayahan ng target market nito na walang iba kundi ang mga karaniwang Pinoy.

Kung tutuusin ay simple lang naman din po ang paraan para matugunan ang tumataas na panga­ngailangan ng ating mga kababayan sa pabahay: gawin itong abot-kaya o affordable para mas maraming Pinoy ang nagkakaroon ng sari­ling bahay.

Sa mga susunod na­ting column ay marami pa tayong isyung tatalakayin na tiyak kong makaka-relate ang bawa’t isa sa atin upang makamit ang hinahangad nating pagkakaroon ng matatawag nating sariling bahay at lupa.

Hanggang sa muli.