Una sa Balita

Sarap mag-Pasko sa Baguio City

0 304

Malapit na ang Pasko mga ka-Trip Mo, Trip Ko! Ang destinasyon natin ngayong Sabado ay ang madalas naming pinupuntahan at dinarayo rin ng mga turista kapag malapit na ang Pasko.

Sa totoo lang, hiling ko ring mag-Pasko sa probinsyang ito ngunit la­ging nagkakataon na may mga kapamilya kaming dumadating galing ibang bansa sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang isa sa mahalagang lugar sa akin kapag ganitong mga pa­nahon. Ito ay ang kilala ring ‘Winter Capital of the Philippines’ dahil sa lamig ng panahon dito. Ito ay ang Baguio City!

Dahil sa ito ay malapit na rin, at hindi naman na kailangan pang gumamit ng panghimpapa­wid o pangdagat na sasakyan, mas komportab­le para sa karamihan na tumungo dito. Hindi mo na kailangan pang pumunta sa ibang bansa at gumastos nang malaki para maranasan ang lamig na hinahanap natin dahil dito sigurado akong ma-e-enjoy ninyo ang klima habang namamasyal.

Hindi lang pang tag-araw ang Baguio City kasi kahit ako mismo binabalik-balikan ko ito lalo na nga ngayong malapit na ang Pasko.

Masasabi kong napakakumbinyente dito dahil na rin sa puwede ka mag-adjust ng budget lalo na at marami kang puwedeng makuhang transient house kung tawagin. Ito ay bahay na kompleto na ang lahat mula sa banyo, kuwarto at kusina na puwede rin kayong magluto kapag kayo ay nagtitipid. Lalo na sobrang mura ng mga gulay dito.

Pagdating ninyo dito at gusto niyo na agad mamasyal, maaari na kayong dumiretso sa Burnham Park kung saan maaari kayong mag-bike na swak sa pamilya, meron ding boating na siguradong ikatutuwa ng mga chikiting at kung kayo ay gutom na galing sa mahabang biyahe, madami rin kayong makikitang res­tawran dito. Oh ‘di ba? All in na!

Teka, hindi lang iyan dahil kung kayo ay baguhan pa lamang sa lugar na ito, dito rin kayo puwede makakuha ng transient house dahil madaming nag-aalok niyan, puwede niyo rin munang makita at makapamili ng sakto sa inyong panlasa at budget.

Nakapunta ka na rin ba sa Mines View Park? Dito puwede kang mag-sightseeing, makikita mo rito ang ganda ng kalikasan mula sa Cordi­llera Mountains, maaari ka ring magpa-picture dito suot ang arkilang damit na kasuotan ng mga Igorot. At kung pasalubong naman ang hanap mo ka-Abante, dito madami kang pagpipilian na swak din sa budget mo. Kung hanap mo naman ay mga halaman at bonsai, dito ka rin magsadya, nakapamili ka pa ng mga pasalubong.

Kung falls naman ang hanap ninyo, naku! Hindi rin papahuli ang Baguio diyan dahil si­gurado akong mamamangha kayo sa ganda ng Bridal Veil Falls sa Kennon Road, Tuba, Benguet. Kung malakas ang inyong loob, maaari kayong maligo dito ngunit paalala lamang dahil sobrang lamig ng tubig dito at super ganda ng view at pang-Instagram at Facebook.

Botanical Garden, hindi lamang ito basta binuo para maging pasyalan ito ay makasaysayang lugar din, makikita dito ang pagpapahalaga ng ating pakikipagkapwa-tao sa mga da­yuhan tulad na lamang ng mga Buddha na estatwa at Chinese Pavillion. Meron ding transportasyon na ginagamit dito para sa kanilang pa­ngangailangan, ito ay ang Japanese Tunnel na itinayo noong panahon ng World War II.

Para naman sa mga mahilig mag-shopping, ni­rerekomenda ko na pumasyal kayo sa Session Road. Sikat ang lugar na ito sa dami ng ukay-ukay. Ang oras ng paglalatag nila ng mga bentang ukay-ukay ay alas-nuwebe nang gabi hangang alas-12 nang hatinggabi. Ang sarap mamili kapag malamig ang panahon kahit siksikan hindi mo alintana.

Ayan mga ka-Abante, sobrang sarap talagang mag-Pasko sa Pilipinas. Hangad ko ang inyong masayang paglalakbay kasama ang buong pamilya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More