Una sa Balita

Sara tutol sa paghati ng Palawan

0 352

KONTRA si Davao City Mayor Sara Duterte sa bagong batas na nilagdaan ni Rodrigo Duterte na humati sa Palawan sa tatlong probinsya.

Sa isang ambush interview sa Puerto Princesa City, pinaliwanag ni Mayor Duterte na hindi magandang ideya ang paghati sa Palawan dahil liliit ang makukuhang internal revenue allotment (IRA) ng tatlong lalawigan, maliban na lamang kung maipatupad na ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa usapin ng expanded IRA allotment sa mga local government unit.

Noong Abril 5, nilagdaan ni Pa­ngulong Duterte ang Republic Act No. 11259 na siyang humati sa Palawan sa tatlong lalawigan – ang Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.

“Hindi magandang idea na hati-hatiin ang isang lugar dahil ‘yun nga, liliit ‘yung budget unless iimplement nila ‘yung bagong ruling ngayon ng Supreme Court na kasali lahat (sa) IRA kasali lahat ng taxes kasama na ‘yung sa Customs at sa ibang national government agencies therefore lalaki ‘yung pera,” wika ni Mayor Duterte.

Sa desisyon ng SC noong Abril 10, bukod sa koleksyon ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR), dapat mabahagian din ang mga LGU sa koleksyon ng buwis ng BOC at 50 percent mula sa koleksyon ng value-added tax.

“Kung liliit, hindi na magandang idea na gumawa ng bagong LGU,” diin pa ni Mayor Duterte. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy