Una sa Balita

Sara goodbye muna sa Hugpong pagkatapos ng eleksyon

0 370

KORONADAL CITY, South Cotabato — Pinagiisapan na umanong iwan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Sa isang panayam sa Lungsod ng Koronadal nitong Miyekules, iginiit ni Mayor Sara hindi niya inakalang napakahirap pala ng kanyang papel sa partido hindi lamang bilang tagapangulo ng HNP, kundi maging ang isa niya pang tungkulin bilang campaign manager ng mga senatoria­ble na sinusuportahan ng kanyang grupo.

“Sa totoo lang, ngayon pa lang pinagiisapan ko na talaga na iwanan ‘yung HNP kasi pagod na talaga ako sa ano (role) na ito sa elections,” paliwanag ni Mayor Sara.

Inamin ng Presidential daughter, bilang pinuno at campaign manager ng Hugpong ay ramdam niya ang bigat ng mga responsibilad na naka-atang sa kanyang mga balikat lalo pa’t isa siya sa matunog na posibleng pumalit sa kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kanyang termino sa Malacañang tatlong taon mula ngayon.

“Akala ko madali lang, kasi sa Davao (region) naman kasi madaling kausap mga politician. Pero kapag ganyan na pala kalaki tapos iba-iba ‘yung karakas ng mga tao, mahirap pala talaga siya,” giit ni Mayor Sara.

“Sila nakatingin lang sa akin. Lahat sila nag-aantay sa akin.”
Dagdag pa ng akalde ng Lungsod ng Davao, hindi niya pa masabi sa ngayon kung ano nag kahihinatnan ng hinaharap ng HNP pagkatapos ng halalan sa Mayo dahil magpasa-hanggang ngayon ay tutol pa rin siya itong iakyat bilang isang “national political party”.

“Hindi ko alam, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin after (elections),” saad ng anak ng Pangulo. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy