Una sa Balita

Sara dumistansya sa laglag-Cayetano

0 456

ITINANGGI ni Davao City Mayor at Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson Sara Duterte na siya ang nasa likod ng kumalat na text message na humihikayat sa mga congressman na iboto ang napupusuan nilang House Speaker imbes na ang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.

Ginawa ni Mayor Duterte ang pag­lilinaw matapos ipakita ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor nitong Martes nang gabi ang text message na natanggap niya mula sa kadikit umano ng presidential daughter na nana­nawagan na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan.

“Hi sir! I have the go signal of Ma­yor Inday to publish. ‘Kaya nananawagan siya ngayon sa lahat ng mga Congressmen na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang kanyang ama ay na set-up lamang ng mga gahaman na gabinete na kaalyado kay Cayetano.” – Mayor Inday” ayon sa nilalaman ng text message.

Sa isang text message sa Abante/politics.com.ph, itinanggi ni Mayor Duterte na may kinalaman siya sa pagpapakalat ng nasabing text message.
“Not mine and not true. Kung manawagan ako, sasabihin ko kung sino ang susuportahan at hindi basehan sa kagustuhan lang ng botante,” diin ni Mayor Duterte.

“Wala po ma-achieve ang ganyan na panawagan na walang objective,” dagdag pa niya.

Hinamon pa niya si Rep. Defensor na pangalanan ang taong nagpadala sa kanya ng text message.

“Dapat siguro pangalanan at ibigay ang number ng source ng text message para magkaalaman,” giit ng alkalde.

Naniniwala pa ito na ang congressman na tutol sa term-sharing sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang nasa likod ng pagpapakalat ng text message. Si Defensor ay kilalang supporter ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na naitsapuwera sa speakership matapos na hirangin ng Pangulo bilang Majority Leader.

“Hanapin niyo ang hindi masaya sa term-sharing na mga congressmen, malamang galing sa kanila ‘yan,” saad ni Mayor Duterte.

Kinumpirma naman ng alkalde na hindi pa rin nagbabago ang kanyang posisyon kontra sa hatian ng termino nina Cayetano at Velasco.
“HNP, yes no change,” diin ni Ma­yor Duterte.

Nag-sorry naman si Defensor kay Mayor Duterte pero nanindigan itong patuloy ang paglobo ng ‘Duterte Coalition’ na tumututol sa ‘1521’ term sharin­g nina Cayetano at Velasco.

“There are still movements,” ani Defensor. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy